'Conflict of interest' sa DOT-Bitag deal, sinilip sa Senado

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Conflict of interest' sa DOT-Bitag deal, sinilip sa Senado

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Maaaring nagkaroon ng “conflict of interest” sa mahigit P114 milyong advertisement placement ng Department of Tourism sa “Kilos Pronto” program ng Bitag Media Unlimited Incorporated (BMUI), ayon sa ilang senador sa pagdinig ng naturang isyu nitong Martes.

Ani Senate blue ribbon committee chairman Richard Gordon, halata ang “conflict of interest” sa transaksiyon ng magkapatid ng “Kilos-Pronto” anchors na sina Ben at Erwin Tulfo at ang dating Tourism Secretary Wanda Teo-Tulfo, na kasama rin umano sa nangasiwa ng ad placement.

“I don't think na hindi nila alam na Tulfo iyon. Well, boss, conflict of interest iyan. Lahat ng sinabi ng COA tama iyan” aniya sa ambush interview matapos ang unang pagdinig ukol sa isyu.

Sang-ayon si Sen. Antonio Trillanes IV na nagsabing may conflict of interest na kaakibat ang pagpasok ng magkakapatid sa transaksiyon.

ADVERTISEMENT

"Kapatid ka ni Secretary Teo at hindi ka ordinaryong empleyado," ani Trillanes kay Erwin Tulfo, na tumangging may kinalaman siya sa kaso.

Dagdag ni Trillanes, maaaring maharap sa kasong plunder ang magkakapatid na Tulfo dahil sa mga commercial placements, na unang nabalitaang P60 milyon ang ibinayad.

Binanggit ni Trillanes na bintang ng pagnanakaw na may kinalaman sa kabuuang P50 milyon ang maaaring mapatawan ng plunder o pandarambong. Ito ay maaaring maparusahan ng habambuhay na pagkakakulong o kamatayan.

"So wala tayong death penalty kaya suwerte niyo," ani Trillanes.

Kinuwestiyon din ni Trillanes kung paano nakuha ng may-ari ng BMUI na si Ben ang mga commercial.

ADVERTISEMENT

Pinanindigan naman ng magkakapatid na wala silang nalabag na batas sa pagpasok sa transaksiyon.

Iginiit ng co-host ni Ben na si Erwin na talent lang siya sa palabas na sumesuweldo ng P150,000, at hindi dapat siyang kaladkarin sa isyu.

“Ano pakialam ko diyan? Tatlo po kaming anchor. Hindi po ako may-ari.. Hindi po ako producer, co-producer officer ng BMUI,” ani Erwin.

Sa pagdinig, lumabas na P114 milyon talaga imbes na P60 milyon ang nailagay na halaga ng commercial ng DOT sa “Kilos Pronto,” na isinagawa raw umano para ma-promote nang husto ang turismo sa bansa.

Pero dahil may Notice of Disallowance ang Commission on Audit, P71,061,275.34 lang ang naibayad ng People's Television 4 (PTV4) sa BMUI, at naharang pa ang ibang bayad.

ADVERTISEMENT

Pero kinuwestiyon naman ito ni Gordon dahil aniya, hindi naman kataasan ang ratings ng “Kilos-Pronto.”

“Ang rating ng 'Kilos-Pronto' sa PTV4 is number 83. Number 1 ang Lotto… the overall rating is 0.02,” ani Gordon.

Buwelta naman ng ilang opisyal ng DOT, makakamura daw ang paglalagay ng pondo sa naturang palabas.

“Tinitingnan po naming lahat... Lumabas po na mas makakamura,” ani DOT Undersecretary Katherine De Castro.

Iginiit noong una ng PTV4 na DOT ang mismong humiling na ilagay sa palabas ang advertisement, pero binawi rin nila ito kalaunan.

ADVERTISEMENT

Pero P19.8 milyon lang daw ang kinita ng PTV4 dito.

Mga sangkot sa “Buhay Carinderia” ipapatawag

Ipinatawag naman ng Senado ang mga sangkot sa P80 milyong “Buhay Carinderia” project na pinamunuan ng nag-resign na pinuno ng Tourism Promotions Board (TPB) na si Cesar Montano.

Naglabas na ng direktiba para sa pakikiisa ng DOT sa lahat ng imbestigasyon ukol sa ad placements, sa P80 milyong “Buhay Carinderia” project at maging sa P2.5 milyon na paggasta umano ni Teo para sa Duty Free Philippines.

“If and when required by the Ombudsman I will also cooperate, I will also require the whole DOT bureaucracy to aid the ombudsman,” ani Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

‘Pera ng ad placement, nagasta na’ - Teo

Nang itanong ni Senador Risa Hontiveros kung ibabalik ang P60 milyong naibayad, pinanindigan naman ni Tourism Secretary Wanda Teo, na kapatid nina Erwin at Ben Tulfo, na hindi na maibabalik ang pera dahil umano’y nagasta na ito.

ADVERTISEMENT

Katuwiran ni Teo, kasado na ang kontrata.

“Nagawa, na po kasi 'yung kontrata... at nagasta na 'yung pera. Pa'no pa isosoli 'yung pera?” aniya.

Para naman kay Ben, para na daw silang umamin sa alegasyong naiharap sa kanila kapag ibinalik pa nila ang pera.

"Returning the money is tantamount to saying that we did something illegal,” aniya.

Ayon sa COA, may hanggang anim na buwan ang mga sangkot na kampo na iapela ang kanilang naging desisyon sa pinasasauling pera sa DOT commercial.

ADVERTISEMENT

Pero iginiit ni Atty. Janet Nacion ng COA na hindi mawawala ang umano’y criminal liability ng mga sangkot dito.

Sa kabila nito, kumpiyansa si Teo na naipaliwanag niya ang lahat ng hinaing niya sa isyu.

“I feel vindicated… I was able to explain,” aniya.

Target ni Gordon na ilabas ang kanilang committee report bago magbakasyon ang sesyon ng Kongreso sa Oktubre .

--Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.