2 transient sa Baguio, 'di nagbayad dahil 'di nagustuhan' ang kuwarto | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

2 transient sa Baguio, 'di nagbayad dahil 'di nagustuhan' ang kuwarto

2 transient sa Baguio, 'di nagbayad dahil 'di nagustuhan' ang kuwarto

ABS-CBN News

Clipboard

Dalawang transient o panandaliang nagrenta sa isang condominium unit sa Bakakeng, Baguio City ang tumakas at hindi nagbayad dahil hindi umano natipuhan ang tinuluyang kuwarto.

Ayon kay Kristel Ogtip, may-ari ng unit, Disyembre 9 nang mag-book para sa tatlong araw na pamamalagi ang dalawang hindi nakilalang salarin.

Nasa P1,000 kada gabi ang singil ni Ogtip sa mga nais mag-book ng kaniyang unit.

Wala umanong pagkakakilanlan ang dalawang nag-book dahil sa isang website lang aniya ginawa ang transaksiyon.

ADVERTISEMENT

“Sabi nila magwi-withdraw daw po sila tapos after daw po, pagbalik po, saka po nila ibibigay...Pagbalik ko mga 6-7 p.m., wala na po sila," kuwento ni Ogtip.

Hindi rin daw nakuhanan ng CCTV ang pagtakas ng dalawa at maaaring sa likuran ng condominium pumuslit upang hindi mahagip ng camera.

Dagdag ni Ogtip, sumagot sa text ang isa sa mga salarin para sabihing hindi nila nagustuhan ang unit kaya hindi sila nagbayad.

Hindi na magsasampa ng reklamo si Ogtip pero hiling niya, sana ay wala nang muling maloko ng mga katulad nila.

Payo sa mga transient owners sa Baguio

Sa datos ng Permits and Licensing Division ng City Mayor's Office, may mahigit 4,000 real estate lessors na nakatala sa siyudad ng Baguio, kabilang na dito ang mga transient house.

ADVERTISEMENT

Ngayong taon, wala pa raw silang reklamong natatanggap na tulad ng kay Ogtip. Wala rin daw record ang Baguio City Police Office.

Payo naman ni Allan Abayao, hepe ng nasabing dibisyon, dapat kolektahin na agad ng transient owners ang bayad para hindi maulit ang insidenteng ini-report ni Ogtip.

Ayon sa miyembro ng Baguio Transient Republic, isa sa mga grupo ng transient owners sa Baguio, dapat ay malinaw ang panuntunan ng mga transient owners bago sila magpatuloy ng kliyente.

“Nire-require namin na i-settle muna ang payment bago namin ibigay ang susi, bago namin sila patuluyin sa bahay,” ani Marlyn Zabala.

Dapat din daw ay hingan ang mga ito ng mga ID para makasiguro na hindi matatakbuhan.

--Ulat ni Melinda Ramo, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.