2-anyos patay sa Tondo matapos masagasaan ng pick-up

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

2-anyos patay sa Tondo matapos masagasaan ng pick-up

Job Manahan,

ABS-CBN News

Clipboard

MAYNILA — Patay ang isang 2-taong-gulang na babae matapos mabundol ng pick-up na sasakyan sa Tondo, Maynila. 

Sa CCTV, kita ang pulang pick-up na paalis na sana sa bahagi ng Masinop Street sa Barangay 42 nitong Linggo ng hapon, kung saan sa hindi kalayuan, may mga naglalarong bata. 

Mapapansing atras-abante ang sasakyan sa masikip na daanan at pinauna muna ang isang motorsiklo. Dito na lumabas ang 2-taong-gulang na batang naglakad papunta sa direksyon ng sasakyan. 

Maya-maya pa, nasagasaan na ang paslit. Nataranta naman ang mga batang naglalaro. 

ADVERTISEMENT

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, maaaring hindi umano napansin ng driver ang bata lalo na’t mataas ang sasakyan. 

“Habang naglalakad ang bata mag-isa at itong sasakyang pick-up ay papaalis, hindi napansin ng driver na itong bata ay nandoon sa harapan ng sasakyan. Noong umalis siya ay nasagasaan niya itong bata,” ani PMaj. Philipp Ines, tagapagsalita ng Manila Police District. “Noong nalaman niyang nasagasaan, dinala agad ito sa pinakamalapit na ospital.” 

“Hindi talaga siya makikita nitong nagmamaneho. Dahil sa pangyayaring iyon, at papaalis itong sasakyan at nandoon ang bata sa mismong harapan ng sasakyan, hindi siya napansin kaya nasagasaan itong batang ito,” dagdag niya. 

Tuliro at hindi tumitigil sa pag-iyak si Alyza Najera, ina ng biktima na umalis lang umano ng bahay para bumili ng pagkain ng kanyang pamilya. Pang-apat sa kanyang limang anak ang biktima.

“Yang kanto na yan talaga, laruan talaga ng bata yan. Pumunta siya dito sa papa ko kumain kasi hindi naman kalayuan ang bahay namin… hindi ito highway para ganoon ang mangyari. Inabantehan mo na, inatrasan mo pa,” sabi ni Najera. 

ADVERTISEMENT

“Pagbalik ko wala nang buhay ang anak ko. Inaamin ko may kapabayaan ako kasi iniwan ko ang anak ko pero hindi ko naman ginusto na mangyari sa anak ko yan. Gusto ko lang naman mabigyan ng hustisya ang anak ko,” dagdag niya. 

Dinala pa ang kanyang anak sa ospital pero binawian din ng buhay. 

“Sobrang sakit. Yun lang ang nagpapawala ng pagod ko. Sobrang lambing sa akin niyan kaya mahirap para sa akin. Pag-alis, buhay ang anak ko; pagdating, wala nang buhay ang anak ko,” aniya. 

Sabi ng Barangay 42, patuloy ang paalala nila at pagsita sa mga residente kaugnay ng batas trapiko lalo na’t masikip ang ilang kalsada roon. 

“Ang ginagawa ng barangay dito ay nagko-conduct ng single lane. Kahit ano namang ginagawa natin, hindi naman – kasi may bababa, sasakay,” ani Kagawad Maribelle Gonzales. 

ADVERTISEMENT

“Ang usually mga pumapasok dito ay mga motor kaya walang mga sasakyan. Itong street na ito, hindi naman talaga siya daanan, bihira lang ang mga dumadaan, puro motor lang tsaka sidecar,” dagdag ni Gonzales. 

May payo din siya sa mga residente. 

“Bago ka kumuha ng sasakyan, dapat mayroon kang parking. Ganoon ang ano namin noong nakaraan,” sabi ng kagawad. 

Tumanggi nang humarap sa media ang driver na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide. 

Nakakulong siya sa Manila District Traffic Enforcement Unit. 

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

ad