FACT CHECK: ‘Di totoong inaresto si Karen Davila dahil sa pagshare niya ng isang crypto trading platform | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: ‘Di totoong inaresto si Karen Davila dahil sa pagshare niya ng isang crypto trading platform

ABS-CBN Investigative and Research Group

 | 

Updated Dec 13, 2024 09:29 PM PHT

Clipboard


Manipulado ang larawan na nagpapakitang inaaresto ng pulis si ABS-CBN News anchor Karen Davila. Kumalat ito bilang isang sponsored advertisement sa isang messaging app.

Sa nasabing ad sa messaging app na Viber, nakalapat ang tekstong “TRAGIC DAY FOR KAREN DAVILA! THE FILIPINOS IN SHOCK!” sa naturang larawan.

Dumidirekta ang Viber ad sa isang artikulo na pinamagatang “TV host and journalist Karen Davila is facing serious charges. Ayon dito, pinatigil diumano ng “Bank of Philippines” ang live interview kay Davila sa programang “Fast Talk with Boy Abunda” dahil sa aksidenteng pagpapakita niya ng link ng isang cryptocurrency platform.

Ayon sa diumano’y transcript ng panayam, sinabi ni Davila na gumagamit siya ng isang crypto trading platform kung saan napapalago niya nang mabilis ang kanyang pera. Nagsasalit-salit ang pangalan ng nasabing platform sa “Quantix Prime AI” at “Solid Return” sa tuwing ire-refresh ang artikulo.

Sa dulo ng pekeng artikulo, makikita ang ilang instructions kung paano gamitin ang nasabing crypto trading platform. Sinasabi rin dito na kailangang magrehistro at magdeposito ng P14,200 sa link na ibinahagi diumano ni Davila.

Wala ang “Quantix Prime AI” o “Solid Return” sa listahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng mga rehistradong Virtual Asset Service Provider.

Wala rin ang “Bank of Philippines” sa listahan ng BSP ng bank at non-bank financial institutions at electronic money issuers.

Kuha ang manipuladong larawan ni Davila sa pekeng artikulo mula sa orihinal na panayam niya kay Korina Sanchez sa programang “Korina Interviews” ng NET25 noong Oktubre 30, 2022. Pinalitan ang background ni Davila upang magmukhang karaniwang set-up ng programa ni Boy Abunda. Minanipula rin ang larawan upang magmukhang may hawak siyang selpon at nilapatan ng logo ng media outlet na GMA.



Ginaya ng pekeng artikulo ang layout at interface ng online tabloid ng Philstar.com na “Pang-Masa.”  Bukod dito, “rnovbody.info” ang URL ng impostor na artikulo, samantalang “philstar.com/pang-masa” ang lehitimong link ng Pang-Masa. Hindi rin gumagana ang navigation menu ng impostor na site.



Hindi ito ang unang beses na na-fact-check ng ABS-CBN ang ganitong estilo ng scam, kung saan ginagamit ang isang kilalang personalidad sa isang pekeng artikulo na nagpo-promote ng isang kahina-hinalang crypto trading platform.

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulolarawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.como X (dating Twitter) account @abscbnfactcheck.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.