Plebisito sa paghahati ng Bgy. Bagong Silang sa Caloocan, umarangkada na | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Plebisito sa paghahati ng Bgy. Bagong Silang sa Caloocan, umarangkada na

Karen De Guzman,

ABS-CBN News

Clipboard

Nagsimula na nitong Sabado ng umaga ang plebisito tungkol sa paghahati ng Barangay 176 (Bagong Silang), Caloocan City.

Pagbobotohan sa plebisito kung papayag ang mga residente na hatiin sa 6 na bagong barangay ang kanilang lugar.

Sa pagsisimula ng botohan, nahirapan ang ilang botante sa paghahanap ng kanilang voting precinct tulad ng taxi driver na si Virgilio Laguisma.

“Nagtataka naman po ako bakit wala dyan? Nung nakaraan, nakaboto naman po ako. Uuwi na lang ako. Mag-aantay pa ba ako e may trabaho pa ako ngayon,” giit ni Laguisma.

ADVERTISEMENT

Nagreklamo rin ang senior citizen na si Elvira Palacios, 77-anyos, na umakyat pa sa ikaapat na palapag ng gusali para makaboto.

“Pagdating ko dun, hingal na ko. So sabi ko, bakit ‘yung matatanda katulad ko, bakit karamihan nandito sa itaas? Mamaya mag gulong na kami dyan,” hinaing ni Palacios.

Ayon naman sa Commission on Elections (Comelec), may nakalaan na lugar para sa mga matatanda at may mga kapansanan.

Aminado rin sila na hindi nila inasahan ang dami ng mga makikiisa sa botohan.

“Medyo na-overwhelm po ‘yung ating mga official dito so nagpapadagdag na po kami ng mga additional help desk para sa mga botante natin,” sabi ni Rafael Olaño, Executive Director for Operations ng COMELEC.

ADVERTISEMENT

“Meron po tayong tinatawag na Emergency Accessible Polling Place na kung saan ‘yung matatanda ay pwedeng bumoto sa first floor. So hindi na po nila kelangan umakyat,” dagdag niya.

Higit 600 pulis ang idineploy sa limang polling precinct para mapanatili ang mapayapa at maayos na plebisito.

Nauna nang dinipensahan ni Comelec Chairman George Garcia ang pagtatalaga ng mga sundalo sa botohan.

“Kasama namin ang AFP sa endeavor na ‘to. Normal naman pong may participation. Hindi dahil sa may threat dito,” paliwanag ni PBGen. Rizalito Gapas, director ng Northern Police District (NPD).

“Traditionally, peaceful ang political exercise dito in the past kaya mataas ang aming kumpiyansa na magiging maayos at payapa ang activity na ito,” dagdag ni Gapas.

ADVERTISEMENT

'YES' OR 'NO' SA PLEBISITO

Karamihan sa mga residente at mismo ang Punong Barangay ng Bagong Silang ay pabor sa plebisito.

“Yes po kami kasi gusto po namin mahati ‘yung aming barangay para ‘yung pangangailangan ng bawat tao sa amin, eh mabigyan ng tugon po,” sabi ni Jovey Perez.

“Oh di, yes! Ikabubuti ng aming Caloocan para tulong-tulong sila,” sabi ni Erlinda Coral.

“Pabor po ako dito dahil kung atin pong pakakaisipin, ang Bagong Silang po ay tinanghal bilang biggest barangay sa buong Pilipinas. Mas marami po ang boses na nagsasabi po na gusto na po nilang mahati sa 6 na barangay upang ang kasuluk-sulukan po ay amin pong mapaglingkuran,” sabi Kap Joel Bacolod, Punong Barangay ng Bgy. 176 (Bagong Silang), Caloocan City.

Tutol naman dito ang senior citizen na si Raquel Buenaflor dahil mas gugulo aniya ang kanilang lugar.

ADVERTISEMENT

“No. Mas marami hong talamak na under the table. Buti kung matugunan nila ang lahat ng pangangailangan,” sabi ni Buenaflor. 

“Dapat ho, hindi ito ginanito  kundi baguhin ang pamamalakad. Kasi kapag kinorap ng bagong official, wala na po tayong magagawa. Kawawa ang Bagong Silang,” dagdag niya. 

Isasara mamayang alas-3 ng hapon ang botohan at mano-mano itong bibilangin ng plebiscite committee. 

Inaasahan na matatapos ang bilangan bukas ng madaling araw.

Sa kabuuan, higit 85,000 ang registered voters ng Bagong Silang ayon sa Comelec na inaasahang makikiisa sa plebisito.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.