FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN tungkol sa isang high-return investment scheme | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN tungkol sa isang high-return investment scheme

Eliseo Ruel Rioja,

ABS-CBN Research and Verification Unit

 | 

Updated Jun 11, 2025 05:37 PM PHT

Clipboard

Pinagdugtong ang dalawang magkahiwalay na video nina ABS-CBN News anchor Karmina Constantino at businessman Henry Sy Jr. para palabasing magkausap sila sa isang panayam tungkol sa isang investment platform.

Nilapatan ang mapanlinlang na video ng tekstong: “EARN A GUARANTEED INCOME OF UP TO 700.000PHP PER MONTH BY INVESTING ONLY 15.000PHP”

Sa pekeng panayam, makikita si Constantino sa pangkaraniwang setup ng programang Dateline Philippines ng ABS-CBN News Channel o ANC. Minanipula ang report ni Constantino para pagmukhaing sinasabi niya ang mga ito: “Thousands of Filipinos over the age of 30 are now retiring early, earning more while working less, thanks to a groundbreaking financial platform.”

Mapapanuod na ipinakilala ni Constantino si Sy na pineke rin ang kilos at boses para palabasing inihayag niya ito: “We created a smart investment platform that uses AI to predict market movements then trades automatically on your behalf.”

ADVERTISEMENT

Kapansin-pansin ang kakaibang galaw ng ulo at buka ng bibig ng dalawang personalidad na maaaring indikasyon na ginamitan ang mga ito ng artificial intelligence o AI.

Makikita rin ang logo ng broadcast company na GMA sa kanang itaas na bahagi ng video, pero sa ANC mapapanuod si Constantino at ang programang Dateline Philippines.

Kinuha ang video ni Constantino sa episode ng naturang programa noong Hunyo 4, 2025. Sa manipulado at orihinal na video, mahahalata ang parehong itim na blusa at kulay gintong kuwintas na suot ni Constantino, at ang nakaputing lalaki sa background.

Kitang-kita rin ang pagkakatulad ng minanipulang video ni Sy sa isang Youtube video na ini-upload noong Setyembre 1, 2020 kung saan nagsasalita ang negosyante tungkol sa kanyang spiritual experience. Pareho ang makikitang itim na suit at kulay abong necktie na suot ni Sy at ang mga libro at flower vase sa kanyang likuran. 



Bago makipag-transaksyon sa isang nagpapakilalang investment firm, inaabisuhan ng Securities and Exchange Commission ang publiko na alamin muna ang pangalan ng tao at kumpanyang nag-aalok ng financial deals para matiyak na rehistrado at awtorisado ang mga ito.

Hindi ito ang unang beses na minanipula ang video ng mga lehitimong news personalities at ABS-CBN News reports para mag-alok ng kaduda-dudang produkto at investment schemes.

Ugaliing kumuha ng mga impormasyon sa lehitimong website ng ABS-CBN News at sa mga opisyal na social media account ng “ABS-CBN News” sa Facebook, X (dating Twitter), TikTok, Instagram, at YouTube.

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X (dating Twitter) account @abscbnfactcheck. 

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.