'Proud kami sa kaniya': 'GCash-ier' aspin ng isang resto, kinagiliwan ng netizens | ABS-CBN

HEADLINES:
|

ADVERTISEMENT

HEADLINES:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Proud kami sa kaniya': 'GCash-ier' aspin ng isang resto, kinagiliwan ng netizens

 | 

Updated Jan 18, 2025 12:45 AM PHT

Clipboard

Viral dog "Popoy" na Gcash-ier ng Tikya Garden Bistro. Larawan mula kay Jenny Ann Madriaga Chu.

MAYNILA — Viral sa social media ang isang rescued dog na itinalagang "GCash-ier" ng isang restaurant sa Nueva Ecija na nagngangalang "Popoy".

Sa Facebook post ng Tikya Garden Bistro, pormal na inanusyo ang "trabaho" ni Popoy. Literal na may suot itong GCash tag para sa mga customers nilang nais mag-online payment.

"Ipinapabatid sa publiko na ang aso sa larawan na ito na nagngangalang Alias "POPOY" ay ang Bagong itinalagang "GCASH-IER" sa TIKYA GARDEN BISTRO," saad sa post.

Dagdag pa ng restaurant, isa raw "rescued epileptic dog" si Popoy at kalahating taon nang nagsasanay sa pag-upo.

ADVERTISEMENT

"Bagamat mabait o good boy, pagpasensyahan niyo na kung siya ay laging nakabreak o natutulog (baguhan kasi sa trabaho)," biro ng bistro sa post.

Dumagsa sa comment section at shares ng paskil ang mga netizens na humahanga kay Popoy. Tinawag siyang "cute" at "good boy" na nagpapakita umano na "inclusivity is in all forms".

Kuwento ni Jenny Ann Madriaga Chu, may-ari ng Tikya Garden Bistro at amo ni Popoy, natagpuan nila si Popoy sa ilalim ng tricycle ng isa sa mga helpers ng kanilang resto noong Mayo nitong nakaraang taon. Ayon sa veterinary clinic na nakausap niya, magda-dalawang buwan daw noon ang puppy na si Popoy.

Ngunit napansin din niya na madalas magka-seizure ang aso kaya dinala niya ito muli sa clinic noong unang atake.

"First attack niya dinala ko sa vet. Nag-run ng kung ano-anong lab test wala nakita, idiopathic ang cause ng seizure niya. Hinahayaan ko lang siya at 'di ginalaw, binabantayan ko lang.  Wala ako makita na pattern ng trigger ng attack niya, after ng episode niya back to masigla dog ulit na parang walang nangyari. Eventually habang lumalaki siya na-outgrow na niya," sabi ni Chu.

ADVERTISEMENT

Hindi na rin daw bago sa mga customers ng bistro si Popoy dahil nakikisalamuha na ito noon pa sa kanilang diners.


Popoy. Facebook/Tikya Garden Bistro

"Extrovert and friendly talaga siya kaya dati na siya nakikita at nakakasalamuha ng mga diners namin. Kilalang kilala na din siya, so far wala pa nag babayad sa kanya G-cash pero binabati siya na 'Popoy may trabaho ka na pala!'" dagdag pa ni Chu.

Dalawang araw pa lang ang nakalilipas nang sabitan ng G-cash QR code si Popoy gamit ang collar nito. Antukin daw na aso si Popoy pero kapag narinig naman niyang may pumasok nang customer, agad siyang lalapit para i-welcome ang mga bisita lalo iyong laging humahawak sa kaniya.

"Nag papakiss pa sila sa kanya. Kaya naisip ko lang na lagyan na siya QR code tutal gusto naman niya nakikisalamuha sa tao at marunong na siya sa command na sit," kuwento ng amo ni Popoy.

Nagulat na lang din daw sina Chu nang makitang sikat na aso na si Popoy sa social media.

ADVERTISEMENT

"'Di namin in-expect na mag-trending siya kasi before kami matulog n'ung night na pinost siya e 52 likes lang meron siya. Tapos lunch time may nag-message lang sa akin na friend na ang dami na daw likes ni Popoy. Natuwa kami kasi proud kami sa kanya," sabi pa nito.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 107,000 likes at 36,000 ang post na nagpapakilala kay Popoy.

"Share nyo po QR ng Gcash. Willing to give tip to that good boy kahit 'di kami umorder," komento ng isang netizen.

"While we know Popoy is such a cutie and doing his job very well, let’s keep in mind not to take photos of him with FLASH for it might cause a seizure for him, so as much as possible lets take photos without flash. Good job Popoy!" paalala naman ng isang Facebook user.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.