Extra Look Back: Mga Naging Kalaban ni Darna at kanilang kapangyarihan

December 02, 2022 AT 02:01 PM

An Extra Look Back: Darna's past enemies and their powers

Darna's previous enemies and their super powers

Hatid ng bagong season ng “Mars Ravelo’s Darna” ang mas maaksyong bakbakan mula sa trending fight scenes ni Darna (Jane de Leon) kasama ang Martean warrior na si Luna (Kira Balinger) hanggang sa maiinit na harapan nila ni Valentina (Janella Salvador). Sa nakatakdang pagharap ni Darna sa mas matitindi pang laban, balikan ang ilan sa mga naging kalaban na sumubok sa pagiging “protektor” niya.

Sa mga mata ng nakakarami, masama ang mga Extra subalit pinaniniwalaan ni Darna na pawang mga biktima rin sila na nangangailangan ng tulong. Totoo ito sa katauhan ni Javier (Dominic Ochoa) na sinubukang isiwalat ang korupsyon sa likod ng government facility na itinatayo gamit ang substandard na materyales. Matapos siyang ilibing nang buhay ng kanyang mga kasamahan, bumangon siya sa hukay sa pamamagitan ng chrysalis at naging si "Lindol Man" na may kakayahang kontrolin ang lupa.

Sa kabilang banda, may iilan din na piniling pumanig sa kasamaan katulad ni Silent Shocker (Boom Labrusca) na suportado ang pagpatay ni Valentina ng mga kriminal. Ginamit niya ang kanyang electrokinesis upang palabasin na si Darna ang may kagagawan ng iba't ibang aksidente na nangyari sa Nueva Esperanza.

Isa rin sa hindi malilimutan extras ang Ex-Triad group na binubuo nina Inno/Drag Mouth (Karl Gabriel), may kapangyarihan maglabas ng asido mula sa kanyang bibig; Klara/The Seductress (Jef Gaitan), may kakayahang kontrolin ang isip sa pamamagitan ng hipnotismo; at Miguel/Boy Chop-Chop (Henz Villariz) na kayang paghiwalayin ang mga braso mula sa kanyang katawan.

Hindi rin nakaligtas sa pagiging extra si Brian Robles (Joshua Garcia) na nagkaroon ng clone na sumira sa kanyang imahe. Nabuhay si "Dark Brian" nang pumasok ang piraso ng chrysalis sa salamin na tinitingnan ni Brian. Ikinulong nito ang totoong Brian upang maisakatuparan ang masasamang balak gaya ng pagkidnap kay Regina.

Kasama rin sa mga Extrang nakaharap ni Darna sina Strength Man (Jerald Napoles), Killer Ghost (Christian Bables), Clone Man (Neil Coleta), Human Urchin (Loren Burgos), at Levitator (Enchong Dee).

Sa patuloy niyang pagharap sa kanyang misyon, sinu-sino pa kaya ang mga makakatunggali ni Darna na susubok sa katatagan at lakas niya?

Napapanood ang "Darna" gabi-gabi 8pm sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, CineMo, A2Z, at TV5. Available rin ang ABS-CBN series na prinodyus ng JRB Creative Production sa IWantTFC at TFC. Para sa ibang impormasyon, sundan ang JRB Creative Production sa Facebook at Twitter (@JRBcreativeprod), at sa Instagram (@JRBcreativeproduction).

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, Tiktok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.