Iconic na tambalan nina FPJ at Susan Roces, bida sa Cinema One ngayong Hulyo

July 07, 2022 AT 04:01 PM

Balikan ang mga pelikula ng Hari at Reyna ng Pelikulang Pilipino

Swak sa hilig ng mga Pinoy ang kilig mula sa mga love team sa TV at pelikula, at kahit marami nang mga bagong dumating pagkatapos nila, hindi maitatanggi na kakaiba pa rin ang iconic tandem nina Fernando Poe Jr. (FPJ) at Susan Roces.

Ngayong Hulyo, ibabalik ng Cinema One sa tahanan ng mga manonood sina FPJ at Susan, ang Hari at Reyna ng Pelikulang Pilipino, sa pagpapalabas nito ng mga pelikulang pinagbidahan ng dalawa, tampok ang mga istorya na iba’t iba man ang karakter, patunay pa rin na mapa-pelikula o totoong buhay man, itinadhana ang dalawa para sa isa’t isa.

Sa 1965 rom-com na “Ang Daigdig Ko’y Ikaw,” gumanap bilang Roman at Vicky sina FPJ at Susan, na nagtagpo ang landas matapos mag-rebelde si Vicky sa mayaman niyang tatay. Nang magkasama mula Batangas hanggang Baguio, gumaan ang loob nila sa isa’t isa pero magbabago ang lahat nang malaman ni Roman na mayamang tagapagmana pala si Vicky.

Binigyang-buhay naman ng dalawa ng ‘di malilimutang kwentong pag-ibig sa “Pilipinas Kong Mahal,” isang war epic na hango sa panahon ng World War II. Sa pelikula, gumanap bilang Pilipinong sundalo si FPJ na kinailangan iwan ang mahal niyang si Susan para ipagtanggol ang Pilipinas mula sa mga Hapon.

Tungkol naman ang “Mahal, Ginagabi Ka Na Naman,” sa buhay mag-asawa, pamilya, at paglaban sa mga masasamang loob nina Johnny (FPJ) at Luding (Susan). Tampok din sa kwento ang kutob ni Luding na nambababae si Johnny at papatayin siya matapos kumonsulta sa isang manghuhula.

Isa pang rom-com ang “Salaginto’t Salagubang” kung saan ginampanan nina FPJ at Susan ang isang fish supplier na si Nanding at bungangerang nagtitinda ng isda na si Isang. Nang malamang may pagkakataon siya para sa malaking mana, pumasok sa kasunduan sina Isang at Nanding para magkunwaring mag-asawa, na siya ring naging dahilan para mas makilala nila ang isa’t isa.

Panoorin ang mga ito sa “FPJ: Hari ng Pinoy Cinema” block sa Cinema One tuwing Linggo, 11AM, simula ngayong Hulyo 10 sa “Ang Daigdig Ko’y Ikaw,” at susundan ng “Pilipinas Kong Mahal” sa Hulyo 17, “Mahal, Ginagabi Ka Na Naman” sa Hulyo 24, at “Salaginto’t Salagubang” sa Hulyo 30.

Dapat namang tumutok ang fans ng nag-iisang “King of Comedy” tuwing Martes, 9PM sa cable channel dahil ipapalabas nito ang mga timeless na pelikula ni Dolphy gaya ng “Father Jejemon” sa Hulyo 12, “Home Along Da Riles 2” sa Hulyo 19, at “Dobol Trobol” on Hulyo 26.

Kilala bilang tahanan ng Pinoy blockbuster movies, mapapanood ang Cinema One sa Cignal ch. 45, SKYcable ch. 56, at iba pang local cable service providers. Para sa iba pang impormasyon, sundan ang Cinema One sa FacebookTwitterTikTokYouTube, and Instagram.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE