News Releases

English | Tagalog

TNT Boys conquer Araneta Coliseum in first major concert on November 30

October 17, 2018 AT 04:13 PM

Ilang music icons na ang ginaya at ilang shows na sa buong mundo ang pinagtanghalan ng TNT Boys, pero ngayong Nobyembre, aangkinin ng international sensation na TNT Boys ang pinakamalaking entablado ng kanilang karera sa kanilang unang major concert sa Araneta Coliseum sa Nobyembre 30.

Pinamagatang “Listen: The Big Shot Concert,” mapapanood dito ang pagsasanib-pwersa, labanan, at kanya-kanyang pagkinang sa kantahan nina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez, at Francis Concepcion. Isang malaking milestone para sa grupo ang naturang pagtatanghal dahil ito ang una nilang major concert bilang grupo, higit sa isang taon lamang matapos silang mabuo at opisyal na makilala bilang TNT Boys.

Puspusan ang paghahanda ng trio para sa concert matapos nilang mapasama sa performers ng fund-raising charity event na President's Star Charity noong weekend kung saan kinantahan nila ang pangulo ng Singapore na si Halimah Yacob, ang pangatlong head of state na inawitan ng grupo pagkatapos nina Pres. Rodrigo Duterte at Papua New Guinea prime minister Peter O' Neill. 

Sa concert, maghahandog sila ng mga pasabog na hindi pa nasasaksihan ng kanilang mga tagahanga at mga awiting hindi pa nila kailanman nape-perform sa publiko. 

Makakasama naman nilang magbibigay ng sorpresa ang special guests na sina Jed Madela, K Brosas, at ang mga kiddie performers sa “Your Face Sounds Familiar Kids” na sina Chun-sa Jung, Esang de Torres, Krystal Brimner, Marco Masa, Noel Comia Jr., Onyok Pineda, Sheena Belarmino, at Xia Vigor.

Bilang pasasalamat naman sa natatamasa nilang tagumpay, ipinagkaloob ng TNT Boys ang napanalunan nilang P50,000 cash prize mula sa “The Kids’ Choice” sa Bantay Bata 163 program ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.

Nakilala sina Mackie, Keifer, at Francis bilang grand finalists ng pinakamalaking singing competition sa bansa na “Tawag ng Tanghalan Kids” at nabuo bilang TNT Boys matapos maging viral ang singing showdown nila sa “Gandang Gabi Vice” noong Hunyo 2017.

Mula noon, sunod-sunod na ang pagkilala ng buong mundo sa trio sa kanilang pag-perform para sa iba’t ibang audiences sa iba’t ibang bahagi ng mundo nitong taon, kabilang na sa “Little Big Shots” sa UK at Australia. Sila rin ang itinanghal na grand winner ng ikalawang season ng “Your Face Sounds Familiar Kids.”

Ngayong linggo, lilipad naman patungong US ang trio para sa isang international talent competition. 

Panoorin ang “Listen: The Big Shot Concert,” at bumili na ng tickets na nagkakahalagang P3,800 para sa VVIP, P2,800 para sa VIP, P1,500 para sa Patron A, P1,000 para sa Patron B, P700 para sa Box, P400 para sa Upper Box, at P200 para sa General Admission. Mabibili na ito sa ticketnet.com.ph o tawagan lamang ang (02) 911-5555 para sa karagdagang detalye. 

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang TNTV sa Facebook.com/tntversions, o sundan ang @tntversions sa Twitter at Instagram.