News Releases

English | Tagalog

Albert, Dimples, Adrian, at Beauty igagapos ng pagmamahal at kasakiman sa “Kadenang Ginto”

October 03, 2018 AT 05:05 PM

Kakapitan ng mga manonood ang kwento ng isang pamilyang pinakinang ng pag-ibig ngunit binalot ng kasakiman sa “Kadenang Ginto,” na magsisimula na ngayong Lunes (Oktubre 8) sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.

Kilalanin si Romina (Beauty Gonzalez), ang babaeng maaasahan lalo na ng kanyang pamilya dahil sa kanyang kasipagan. Puno rin siya ng ligaya dahil kay Carlos (Adrian Alandy), ang kanyang butihing nobyo. Masaya silang mag-iibigan at bubuo ng pangarap, hanggang sa magpasya silang magpakasal.

Ngunit bago maganap ang pinakahihintay nilang araw, isang krimen ang sisira sa buhay ni Romina — gagahasain siya ng isang hindi kilalang lalaki. Dahil hindi naniniwalang ginahasa ang nobya, makikipaghiwalay si Carlos kay Romina, na hahantong naman sa matinding pagluluksa ng dalaga. Lalo pang gugulo ang sitwasyon dahil magbubunga ang nangyaring krimen kay Romina at magdudulot ng matinding panghuhusga.

Sa gitna ng unos, masasandalan niya si Robert (Albert Martinez), ang may-ari ng pinagtatrabahuhan niyang kumpanya. Mauuwi sa isang relasyon ang kanilang pagsasama, nguit hahadlangan ito ng anak ni Robert na si Daniela (Dimples Romana), ang anak ni Robert. Dahil mababa ang tingin sa dalaga, ipapamukha ni Daniela na pera lang ang habol ni Romina sa pamilya at gagawin ang lahay upang mailayo ito mula sa ama.

Upang pahirapan at galitin ang kaaway, aakitin ni Daniela si Carlos – isang relasyong uuwi sa kasalan at magbubunga ng anak nilang si Margaret.

Ngunit sa pag-aakalang madali niyang makukuha ang mana mula sa kanyang ama, malalaman niyang makakaagaw na rin nilang mag-ina sa yaman hindi lang si Romina kundi maging ang anak nitong si Cassandra. Dito mas titindi ang kanilang hidwaan para sa karapatan at pagmamahal mula kay Robert dahil magsasama-sama sila sa iisang bubong.

Muli nga kayang mabalik sa dati ang mga ginintuan nilang puso na nabahiran na ng poot?

Samantala, kasama rin sa cast ng “Kadenang Ginto” sina Eula Valdez, Ronnie Lazaro, Luke Conde, Nikko Natividad, Adrian Lindayag, Kat Galang, at Savannah Rosales. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Jerry Lopez Sineneng.

Panoorin ang “Kadenang Ginto” tuwing hapon sa Kapamilya Gold sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.