News Releases

English | Tagalog

Carlo Aquino, dadagdagan ng kilig ang “PlayHouse”

November 06, 2018 AT 05:02 PM

Mas mapupuno ng kilig at pag-ibig ang bawat araw ng mga manonood sa pagpasok ng Kapamilya actor na si Carlo Aquino sa tinututukang ABS-CBN morning series na “PlayHouse.”

Gumaganap si Carlo bilang si Harold, isang doktor na una nang nakilala ni Patty (Angelica Panganiban) nang makita siyang umiiyak nito sa gitna ng ulan dahil kay Marlon (Zanjoe Marudo).

Naging magulo naman ang muli nilang pagkikita matapos magkamali si Harold na pumasok sa kwarto kung saan magpapa-check-up si Patty sa kanyang doktor. Lalo namang mapupukaw ng pangyayari ang interes ni Harold kay Patty at susubukang mas kilalanin pa ito.

Pero kasabay ng pagpasok ng bagong lalaki sa buhay ni Patty, muli rin namang mabibigyan ng bagong pag-asa ang relasyon niya kay Marlon dahil posibleng nagbunga ang isang gabi ng kanilang pagsasama. Labis naman ang magiging selebrasyon ng kanilang pamilya dahil na rin sa maaaring muling pagkakasundo ng dalawa na matagal na nilang hinihiling.

Ito na nga kaya ang hinihintay na pagbabalikan nina Patty at Marlon? Ano nga bang papel ang gagampanan ni Harold sa buhay nila?

Tutukan ang kilig at sayang hatid ng “PlayHouse” tuwing umaga sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.