News Releases

English | Tagalog

NBA, MAPAPANOOD ARAW-ARAW SA ABS-CBN, S+A SIMULA BIYERNES

December 10, 2018 AT 03:43 PM

NBA EVERYDAY THIS DECEMBER ON ABS-CBN, S+A

The stars descend as the NBA starts its December marathon this Friday (December 14).

Araw-araw na mapapanood ng Pinoy basketball fans ang kanilang mga idolong naglalaro sa National Basketball Association (NBA) simula sa Biyernes (Disyembre 14) hanggang sa katapusan, kabilang ang inaabangang salpukan sa araw ng Pasko ng Los Angeles Lakers at kampeong Golden State Warriors.
 
Magsisilbing pampagana ang bakbakan nina LeBron James at mga bagito ng Los Angeles Lakers kontra sa mga beterano ng Houston Rockets na pinangungunahan nina James Harden at Chris Paul sa Biyernes (Disyembre 14), 9 am LIVE sa S+A. Susundan ito ng harapang John Wall at Washington Wizards laban kay Spencer Dinwiddie at ang Brooklyn Nets sa Disyembre 15 ng 8:30 am sa ABS-CBN Ch. 2. Susundan ito sa S+A ng laro sa pagitan ng Minnesota Timberwolves at Phoenix Suns sa Disyembre 16, 10 am.
 
Sa susunod na araw naman, Disyembre 17, matutunghayan ang tunggalian sa pagitan ng nangungunang koponan sa Eastern Conference na Toronto Raptors ni Kawhi Leonard na haharapin ang pumapangatlong-pwesto sa West na Denver Nuggets, na binabandera naman ng kanilang mga star player na sina Jamal Murray at Nikola Jokic.
 
Magpapatuloy ang aksyon sa Philadelphia–San Antonio ng Disyembre 18, Cleveland–Indiana ng Disyembre 19, at Memphis-Portland sa Disyembre 20.
 
Mapapanood naman ang “super rookie” ng Dallas Mavericks na si Luka Doncic kaharap ang Los Angeles Clippers sa Disyembre 21, 11:30 am, na susundan ng Atlanta-New York sa ABS-CBN sa Disyembre 22, at ang paghaharap sa dalawa sa mga higante ng Eastern Conference na Toronto Raptors at Philadelphia 76ers sa Disyembre 23 ng 8:30 am, sa S+A.
 
Hahantong ang marathon sa sagupaang pinakahihintay ng lahat simula nang mapapirma ng Lakers si LeBron James: ang paghaharap ng kanyang bagong koponan kontra sa kampeong Golden State Warriors, na mapapanood ng LIVE sa Disyembre 26 ng 9 am sa S+A. Bago ito, magbabanggaan ang Minnesota at Oklahoma City sa Disyembre 24 sa S+A.
 
Magpapatuloy ang marathon sa kabuuan ng Disyembre tampok ang Toronto-Miami, Boston-Houston, Detroit-Indiana, at Golden State-Portland. Magtatapos ang araw-araw na NBA sa S+A sa LIVE na pag-ere ng laro sa pagitan ng magkaribal na Sacramento Kings at Los Angeles Lakers sa darating na Disyembre 31 ng 10:30 am sa S+A. Mapapanood ang mga laro sa high-definition sa S+A HD at ABS-CBN HD sa cable.
 
Huwag palampasin ang pamasko mula sa ABS-CBN Sports at NBA simula Biyernes (Disyembre 14) sa S+A, S+A HD, ABS-CBN, at ABS-CBN HD. Para sa mga balitang NBA, bumisita lamang sa sports.abs-cbn.com/nba at sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook at Twitter. Makisali sa usapan gamit ang hashtags na #NBAsaABSCBN at #NBASabaDOS.
 
Para sa updates sa ABS-CBN, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram.