News Releases

English | Tagalog

Kim Chiu, bibida sa Cinema One bilang "The Ghost Bride"

May 03, 2018 AT 10:30 AM

Kim Chiu comes out as "The Ghost Bride" on Cinema One

“The Ghost Bride” starring Kim Chiu premieres on Cinema One this Sunday (May 6) at 8pm.

Magiging kapana-panabik at nakakatindig-balahibo ang movie night ng pamilya ngayong Linggo (May 6) dahil ipapalabas na ng Cinema One ang 2017 supernatural horror flick na “The Ghost Bride” na pinagbibidahan ng Kapamilya actress na si Kim Chiu.  

Tampok sa pelikula si Kim bilang si Mayen, isang dalaga na nakakaranas ng kamalasan at nahaharap sa mabigat na desisyon –ang manatili sa normal at mahirap na buhay, o ang tanggapin ang alok na sumailalim sa isang ‘ghost wedding,’ isang makalumang Chinese tradition, kapalit ang pera at maginhawang buhay para sa kanyang pamilya. Kasunod nito ang mga kasindak-sindak na eksena na magdadala sa mga manonood sa isang kwentong nakakakilabot.

Kasama rin sa cast ang “Single Single” actor na si Matteo Guidicelli, sina Ina Raymundo, Christian Bables, Robert Seña, Beverly Salviejo, Mon Confiado, at si Alice Dixon.

Binigyan ng Cinema Evaluation Board ng grade A ang nasabing pelikula na mula sa Star Cinema at nakatanggap din ito ng magagandang reviews tungkol sa pagganap, direksyon, at production design nito.

Ayon sa lionheartv.net, nagbigay ng magaling na performance si Kim sa “The Ghost Bride” at sadyang pinatunayan niya ang kanyang pagiging magaling na dramatic actress bilang ang kaaya-aya at may kahinaang si Mayen.

Pinuri naman ang pagkukwento na ibinigay ng direktor ng pelikula na si Chito Roño sa review na isinulat ni Pablo Tariman sa philstar.com. Anya, binibigyang pansin ng direktor ang mga materyal ng nakaraan at binubuhay upang ipakita ang kaibahan ng tradisyon at totoong buhay.

Ayon naman kay Nazamel Tabares ng pelikulamania.com hindi lang nakakatakot na mga eksena ang dala ng pelikula. Kahanga-hangang production design din anya ang ipinakita nito mula sa mga eksena na kinunan sa Pilipinas hanggang sa Nepal.

Samahan ang “The Ghost Bride” ngayong Linggo (May 6), 8pm sa Blockbuster Sunday ng Cinema One. Mapapanood ang nangungunang cable channel sa bansa sa Skycable Channel 56, Destiny Cable Analog 37 at Digital 56. . Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.