News Releases

English | Tagalog

Angelica-Zanjoe team-up in "PlayHouse" instantly loved by viewers, tops trending list

September 18, 2018 AT 05:21 PM

Agad na nagdala ng saya at kilig sa mas maraming Pilipino ang pinakabagong Kapamilya serye na “Playhouse” matapos manguna ng pilot episode nito sa national TV ratings at mag-trend sa social media noong Lunes (Setyembre 17).

Nagtala ang seryeng pinagtatambalan nina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo ng national TV rating na 13.6%, kontra sa katapat nitong “Kapag Nahati ang Puso” (9.5%), ayon sa datos ng Kantar Media.

Sa pilot episode ng serye, nakilala ng mga manonood ang mag-asawang sina Patty (Angelica) at Marlon (Zanjoe) na muling nagkrus ang landas matapos ang ilang taon nilang hindi pagkikita. Ipinakita rin kung paano nag-umpisa ang kanilang pag-iibigan na naghatid ng kilig sa mga manonod.

“Para akong nanonood ng movie sa totoo lang. Katuwa talaga si Angelica, natural na natural lang,” komento ng iWant TV user na si Helen Arcega.

“Galing talaga nito ni Zanjoe. Kahit sino ma-partner niya may chemistry. Parang ang bait-bait kasi niya at parang kung magmahal todo,” papuri naman ng YouTube user na si Rio.

“Nakakatawa grabe. Ang cute nina Zanjoe at Angelica. Nakaka-good vibes lang talaga ang ‘PlayHouse.’ Excited to watch all the episodes,” sabi naman ni @joycearvhbautista.

Samantala, bagama’t hindi pa nagkakakilala ang kanilang karakter, lubos na ring inaabangan online ang tambalan nina Kisses Delavin at Donny Pangilinan sa pagdagsa ng posts at tweets mula sa kanilang fans.

Tutukan ang kilig at sayang hatid ng “PlayHouse” tuwing umaga sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.