News Releases

English | Tagalog

Jerome, Vivoree, at CK matututunan ang kahalagahan ng busilak na kalooban sa “Wansapanataym”

September 28, 2018 AT 02:25 PM

Magsasama-sama sina Jerome Ponce, Vivoree Esclito, at CK Kieron sa telebisyon upang ipakitang mas mahalaga ang pagkakaroon ng isang mabuting puso kaysa panlabas na anyo sa “Wansapanataym Presents: ManiKen ni Monica” simula ngayong Linggo (Sep 30).

Gagampanan ni Jerome si Ken, isang mataba at matigyawat na karpinterong madalas na nalalait dahil sa kanyang itsura ngunit nangangarap na sumikat bilang celebrity model.

Dahil sa isang mala-dwendeng wishmaster na si Bulalakaw, matutupad ang kanyang hiling na maging gwapo, sikat, at mayaman, na siyang magbubunga sa pagiging arogante at mayabang ng binata.

Hindi pa makukuntento si Ken at gugustuhing maging perpekto at walang kapintasan – isang kahilingang pagbibigyan ni Bulalakaw at gagawin siyang isang manikin.

Para mabura ang sumpa, kailangang makahanap ni Ken ng tunay na magmamahal sa kanya nang walang kapalit. Ngunit hindi magiging madali ito dahil bunga ng sumpa, nabura na rin siya sa isip at buhay ng kanyang pamilya, pati mga kaibigan, at kakilala.

Makikilala naman niya si Monica (Vivoree Esclito), na matatagpuan ang manikin ni Ken at matutuklasan ang mahika sa likod nito. Kagaya ni Ken, wala ring kumpyansa sa sarili si Monica at sinusubukang mapansin ng dream guy nitong si Yoshi (CK).

Paano matutulungan nina Ken at Monica ang isa’t isa na tanggapin at mahalin ang sarili?

Bahagi rin ng “Wansapanataym Presents: ManiKen ni Monica” sina Malou Crisologo, Dennis Padilla, Tess Antonio, Simon “Onyok” Pineda, KenKen Nuyad, Benj Manalo, Markus Paterson, Patty Mendoza, at Ashley Colet.

Huwag palampasin ang kwentong kapupulutan ng aral sa “Wansapanataym Presents: ManiKen ni Monica” ngayong Linggo (Sep 30) sa ABS-CBN at ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa karagdagang impormasyon, pumunta sa fb.com/dreamscapeph at i-follow ang @dreamscapeph sa Twitter at Instagram.