News Releases

English | Tagalog

Zanjoe at Angelica ipaglalaban ang pamilya at pag-ibig sa huling dalawang linggo ng "PlayHouse"

March 12, 2019 AT 07:10 PM

Matapos nilang mailigtas si Robin (Justin James Quilantang) mula sa bingit ng kamatayan, muling na namang hahadlang ang tadhana na mabuo ang pamilyang inaasam nina Patty (Angelica Panganiban) at Marlon (Zanjoe Marudo) ngayong ang lumulubhang sakit naman ni Robin ang kanilang haharapin sa huling dalawang linggo ng “PlayHouse.”
 
Nabunutan nga ng tinik sina Patty at Marlon ngayong naalis na nila si Robin sa kamay ni Peter (Ivan Padilla), na siyang may pakana sa pagdukot sa bata. Pero naging panandalian lang ang kanilang kasiyahan matapos nilang matanggap ang balitang kakailanganin ni Robin ng agarang kidney transplant para maligtas mula sa lumulubhang sakit nito.
 
Sa kabila naman ng hindi nila pagkakaunawaan, ito naman ang magtutulak sa dalawa na gumawa ng sakripisyo nang magkasama para kay Robin at tuluyan nang ipaglaban ang kanilang legal guardianship sa bata. Ngunit ang magkasama nilang laban ay magiging dahilan din ng pagbubukas ng mga sugat ng kahapon na siya ring magbabalik ng saya at sakit ng dati nilang pag-ibig.
 
Bukod sa kondisyon ni Robin, palaisipan din sa dating mag-asawa kung nasaan na nga ba si Peter, na nagpaplanong maghiganti sa kanilang buong pamilya.
 
Sa kaguluhan ng kanilang buhay ngayon, mabubuo pa nga kaya nina Patty at Marlon ang pinapangarap na tahanan para kay Robin?
 
Samantala, dahil sa makapigil-hiningang misyon nina Patty at Marlon noong nakaraang linggo na sagipin si Robin, nakakuha ang “PlayHouse” ng national TV rating na 17.9% noong Huwebes (Marso 7), base sa datos ng Kantar Media. Sampung puntos naman ang lamang ng show laban sa kalabang programa nitong “Hiram na Anak” na nagtala lang ng 7.8%.
 
Mula naman nang umere ang “PlayHouse” sa telebisyon, nanatili itong panalo sa national TV ratings at humataw sa all-time high rating na 20.5%. Pinag-uusapan din ng netizens ang tagpo sa serye sa araw-araw nitong pangunguna sa trending topics sa social media.
 
Mayroon din itong spin off na pinamagatang “ZEKEling Maging SHIELA,” isang iWant original series tampok ang love team nina Donny Pangilinan at Kisses Delavin na patuloy na umaani ng views mula nang ilunsad ito sa ABS-CBN streaming service.
 
Kasama rin sa “PlayHouse” sina Isabella Daza, Kean Cipriano, AC Bonifacio, Ariella Arida, Dexter Doria, Nadia Montenegro, Ingrid Dela Paz, Jomari Angeles, Malou De Guzman, Smokey Manaloto, at Maxene Magalona.
 
Tutukan ang “PlayHouse” tuwing umaga sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.