News Releases

English | Tagalog

"Kadenang Ginto" patuloy na humahataw sa bagong all-time high national TV rating

April 26, 2019 AT 11:25 AM

Mas dumarami pa ang mga kabahayang tumututok sa mga nakakagigil na eksena ng “Kadenang Ginto” tuwing hapon, kaya naman muli itong nagtala ng bagong all-time high national TV rating noong Martes (Abril 23).
 
Nagkamit nga ang Kapamilya serye ng national TV rating na 27.1% --- mataas para sa isang serye sa hapon --- kumpara sa katapat na programa na “Inagaw na Bituin” na nakakuha lang ng 9.3%, ayon sa datos ng Kantar Media.
 
Tinutukan ng mga manonood ang episode noong Martes (Abril 23) kung saan pilit na hinadlangan ni Marga (Andrea Brillantes) si Kristoff (Kyle Echarri) sa pag-amin niya ng tunay niyang nararamdaman para kay Cassie (Francine Diaz). Ito rin ang pagkakataong ipinagtapat ni Marga ang pagmamahal para sa binata, ngunit binalewala ito ni Kristoff, at nanindigang si Cassie ang tunay niyang mahal.
 
Wala naman nang sinayang na pagkakataon si Kristoff nang muli silang magtagpo ni Cassie dahil agad niya nang sinabi na mahal niya ito. Bagama’t nagulat, hindi rin naman napigilan ni Cassie na umamin at sabihing mahal niya rin ang binata.
 
Ngayong nagtapat na sina Cassie at Kristoff sa isa’t-isa, paano tatanggapin ni Marga na karibal niya rin sa pag-ibig ang kanyang tiyahin? May makikilala nga kaya siyang ibang lalaki na babago sa kanyang nararamdaman?
 
Panoorin ang “Kadenang Ginto” tuwing hapon sa Kapamilya Gold sa ABS-CBN at ABS-CBN HD. Para sa updates, pumunta lamang sa abscbnpr.com at i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram.