News Releases

English | Tagalog

FCPC Baliktanaw, kauna-unahang "World of Dance Philippines" champion

April 08, 2019 AT 02:13 PM


Itinanghal na kauna-unahang “World of Dance Philippines” grand champion ang FCPC Baliktanaw ng team division matapos nilang pabilibin ang mga hurado at manonood sa parehong rounds ng finals, dahilan para sila ang hiranging panalo noong Linggo (Abril 7).
 
Ang team mula Bulacan ang nakakuha ng pinakamataas na combined scores ng judges at public votes na 99.05%. Bilang premyo, nag-uwi sila ng P2 milyon at ginawaran ng all-expenses paid trip to Los Angeles, USA.
 
Ang pagkapanalo rin nila ang magdadala sa kanila sa international stage dahil sila ang kakatawan sa bansa upang makipaglaban sa qualifiers rounds ng “World of Dance USA.”
 
Nakilala ang grupo sa pagsasayaw ng street hip-hop na may halong kakaibang Pinoy flavor. Lubos naman ang pagkamangha ng mga hurado sa kanilang performance at nagbigay ng sari-saring papuri para sa grupo.
 
“Ayan ang tinatawag na swag. Ang swag ng Pinoy, nasa inyo talaga. Kung saan man kayo makarating, magiging sobrang proud ako. Nakaka-proud maging Pinoy,” natutuwang sabi ni Maja Salvador.
 
“Kaming judges hindi namin nakikita ang routines ng hindi namin mine-mentor. Bilib ako sa FCPC. Alam kong meron silang gagawin (nakakamangha). Alam kong meron silang idadagdag,” komento naman ni Gary Valenciano.
 
“Isa lang masasabi ko: ang galing niyo,” sabi ni Billy Crawford na hindi napigilang mapasigaw at mapatayo mula sa kinauupuan.
 
Hinirang naman na 2nd runner up ang duo nina Luka at Jenalyn ng upper division na nakakuha ng 96.38% para sa kanilang madamdaming dance routines sa parehong rounds ng finals. Nagkamit naman ng 94.38% si Ken San Jose mula junior division matapos niyang ipakita ang galing sa paghataw sa dance floor.
 
Samantala, kinapitan din ang pagtatapos ng “World of Dance Philippines” dahil ito ang pinakapinanood na programa noong weekend. Noong Sabado (Abril 6), nagtala ito ng national TV rating na 30.5%, kumpara sa katapat nitong programa na “Daddy’s Gurl” (17.7%), ayon sa datos ng Kantar Media. Noong Linggo (Abril 7), humataw ito sa 34.2% at tinalo ang katapat na palabas na “Studio 7” (15%).
 
Pinag-usapan din online ang tapatan ng acts dahil nagtala ng multiple trending topics ang palabas sa Twitter. Bukod sa pagiging top trending topic ng official hashtags nito na #WoDphWorLdFinaLs at WoDphChampion, nag-trend din ang mga pangalang Luka, Jenalyn, at Kenneth San Jose. Ipinaramdam din ng supporters ni Maymay Entrata ang kanilang pagmamahal sa pag-tweet ng Maymay WoDPHFinals.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE