News Releases

English | Tagalog

Gary V, may theme song para kina Cardo at Alyana sa "FPJ's Ang Probinsyano"

October 09, 2020 AT 02:07 PM

Gary V sings about Cardo and Alyana's love in new theme song for "FPJ's Ang Probinsyano"

Series starts airing on A2Z channel 11 this weekend!

Isang bagong makabag-damdaming theme song na inawit ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano ang magdadagdag ng kulay at emosyon sa hamong haharapin ng mag-asawang Cardo (Coco Martin) at Alyana (Yassi Pressman) sa “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Inilabas kamakailan ang bersyon ni Gary V ng “Kunin Mo Na Ang Lahat Sa Akin,” ang ikaapat na kantang inawit niya para sa serye. Ito na ang bagong awiting ilalapat sa mga eksena ng “CarYana” at magsisilbing sigaw ng mga puso nilang nagmamahalan, sa kabila ng masasamang plano at patuloy na pang-aakit ni Lito (Richard Gutierrez) kay Alyana.

Nadala rin sa kanta ang mga manonood at ibinahagi ang kanilang hugot sa social media. “Mapanakit ang kanta na naman ni Gary V para sa CarYana at para sa aming nagmamahal sa kanila, pero tiwala pa rin kami at the end,” ani @presyjp sa Twitter.

Para naman kay @Ay_Em_JP, “‘Yung masakit na ‘yung mismong kanta na ‘Kunin Mo Na Ang Lahat Sa Akin’ tapos lalo pang sumakit sa version ni Gary V. Nang-iiwan ng bubog ‘yung version.”

Sa kabila ng matibay na relasyon ng mag-asawa, walang kamalay-malay si Cardo na unti-unting napapalapit si Lito kay Alyana matapos niya itong gawing business partner na mamumuno sa isang malaking proyekto.

Tuluyan na kayang mahulog si Alyana sa patibong ni Lito? Hanggang kailan mabubulag si Cardo ng ipinapakitang kabutihan ng bago niyang kaagaw sa puso ng asawa?

Masusundan na ng mas maraming Pilipino ang bagong pagsubok ng CarYana sa “FPJ’s Ang Probinsyano” dahil mapapanood na ito sa A2Z channel 11 analog TV sa marathon telecast ngayong weekend (Oktubre 10 at 11) at ang bagong episodes gabi-gabi simula Lunes (Oktubre 12).

Mapapanood ang A2Z channel 11 analog TV sa Metro Manila at mga bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga. Available din ito sa iba’t ibang cable TV at satellite TV providers sa buong bansa.

Patuloy din itong napapanood mula Lunes hanggang Biyernes, 8 PM sa CineMo at Kapamilya Channel sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa). Maaari ring subaybayan ito sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iwant app o iwanttfc.com. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

Maaaring na ring mapakinggan ang bersyon ni Gary V ng “Kunin Mo Na Ang Lahat Sa Akin” sa iba’t ibang online stores at streaming platforms.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE