News Releases

English | Tagalog

KZ at TJ, sinimulan ang buhay mag-asawa sa collab single na "Can't Wait To Say I Do"

October 09, 2020 AT 07:01 PM

KZ and TJ begin journey as one with collab single "Can't Wait To Say I Do"

The video music video of the song served as the announcement that they officially tied the knot last August 28.

Sorpresang kolaborasyon handog ng bagong kasal!

Markado ang bagong kabanata sa buhay ng bagong kasal na sina KZ Tandingan at TJ Monterde dahil nag-release sila ng makabuluhang kanta na "Can't Wait To Say I Do," na paraan nila para iparamdam ang nag-uumapaw nilang emosyon sa kanilang pagiging mag-asawa.

"Gusto ko lang magsulat ng kanta na sobrang light lang na describing what you feel before the wedding," ani KZ. "So sinulat ko lang 'yung feeling na, 'Grabe ang tagal kong hinintay 'to, it was a long wait but I know it's worth it.'"

Ipinrodyus ni ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo ang lo-fi na kanta, na tungkol sa kasiguraduhan at sobrang kasiyahan na papakasalan mo na ang taong mahal mo. Ini-record ng happy couple ang kanta sa bahay dahil sa pandemya, at tampok din dito ang maikling usapan ng dalawa.

Bukod sa pagiging wedding song, sinabi ni KZ na kumakatawan ang Star Music single sa umpisa ng pagiging isa nila bilang mag-asawa.

"Pareho kaming musician, ito 'yung perfect way para i-celebrate 'yung milestone na 'to sa buhay namin, ang magsulat kami ng kanta na nagde-describe ng nararamdaman namin gamit ang musika na makaka-inspire ng tao at sana, makapagpasaya rin," sabi ng Asia's Soul Supreme.

Nang tanungin kung ano ang gusto nilang kapulutan ng mga makikinig sa kanta, simpleng sabi ni TJ, "Pwede ka pa ring makahanap ng paraan na makapag-inspire ng mga tao kahit na ganito 'yung sitwasyon natin."

Unang inilabas nina KZ at TJ ang music video ng "Can't Wait To Say I Do" ilang oras bago opisyal na ini-release ang kanta. Ang video, na naka-upload sa YouTube channel ni KZ, ang nagsilbing anunsyo na ikinasal na sila noong Agosto 28.

Ang makukuhang revenue mula sa music video ay mapupunta sa Inspire Church Metro.

Nagpatikim din ang singing-songwriting couple sa upcoming EP na ilalabas nila mula sa Star Music at PolyEast Records, na ayon sa kanila ay umpisa pa lang ng mga kolaborasyon nila.

'Wag sayangin ang oras at pakinggan na ang “Can’t Wait To Say I Do" nina KZ at TJ sa YouTube channel ng Star Music at sa iba't ibang digital streaming services. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 4 PHOTOS FROM THIS ARTICLE