News Releases

English | Tagalog

Ruel Bayani ng ABS-CBN, itinalagang PH ambassador ng Asian Academy Creative Awards

March 03, 2020 AT 03:25 PM

Isang karangalan ang hatid ng batikang direktor na si Ruel Bayani matapos siyang italaga bilang ambassador ng Pilipinas sa prestihiyosong Asian Academy Creative Awards (AAA).

Kasama niya sa listahan ang respetadong media executives mula sa Myanmar, Vietnam, New Zealand, Australia, Indonesia, India, Bangladesh, Sri Lanka, Cambodia, China, Hongkong, Japan, at Thailand na pinili ng AAA na maging ambassador para sa award giving body.

“Pinatunayan ng AAA’s na isa itong pinagkakatiwalaang awtoridad sa industriya at itinuturing kong malaking karangalan ang mapili na ambassador nito para sa Pilipinas,” sabi ni Ruel matapos ianunsyo ang kanyang pagkakapili.

Nakilala si Ruel sa pagdirek niya sa mga blockbuster na pelikulang “Kasal,” “One More Try,” at “No Other Woman.” Nagsilbi rin siyang direktor ng mga minahal na teleserye gaya ng “Iisa Pa Lamang,” “Tayong Dalawa,” at “Budoy.”

Sa kasalukuyan, siya ang ABS-CBN head for international production and co-production at pinamunuan ang unang pagsabak ng network sa Hollywood production sa pag-produce nito sa international action series na “Almost Paradise” kasama ang US TV at film outfit na Electric Entertainment.

Taon-taong kinikilala ng AAA ang husay sa iba’t-ibang disiplina ng sining sa telebisyon, digital, streaming, at makabagong teknolohiya.