News Releases

English | Tagalog

"Pinoy Big Brother: Stay At Home Edition" ipinapaalala ang kahalagahan ng pananatili sa tahanan

April 01, 2020 AT 05:10 PM

Magkakaroon ng pagkakataon ang netizens na maging housemates ni Kuya kahit mula lamang sa kani-kanilang bahay sa pagbubukas ng “Pinoy Big Brother: Stay At Home Edition” na layuning ipakita ang kahalagahan ng pananatili sa mga tahanan upang makatulong sa pagpuksa sa COVID-19.

Iba’t-ibang “Ligtasks” para sa mga “homemates” ang manggagaling mismo kay Kuya araw-araw na ipo-post sa “PBB” Facebook page (fb.com/PBBabscbntv). Para makasali, kailangan lamang mag-send ng entry sa comment section ng naturang Ligtask post at gamitin ang hashtag of the day. Ang mapipiling entry ay magkakaroon ng pagkakataon ma-feature sa “PBB” Facebook page. 

Noong Lunes (Marso 30), ibinigay na ni Kuya ang kanyang unang Ligtask: gumawa ng isang malikhaing video na sinasabi ang pangako na “Ako’y isang stay at homemate, at mananatili ako sa loob ng aking bahay!” Ang napiling “stay at homemate of the day” ay si Joshua Caingcoy na ginawa ang task gamit ang kayang talento sa pagiging puppeteer.

Sinundan naman ito ng pangalawang “Ligtask noong Martes (Marso 31) nang atasan ni Kuya ang homemates na magbigay ng mensahe sa frontliners. Napabilib ni Gilmar Catalonia Resureccion si Big Brother sa kanyang mala-cheerdance na papuri para sa sakripisyo ng frontliners para sa kaligtasan ng lahat.

Bukod sa Ligtasks, may iba pang handog si Kuya sa kanyang homemates gaya ng “Online Confession Room,” kung saan magbibigay ng sari-saring tanong si Kuya sa netizens at maaari itong sagutin sa pag-comment sa naturang post, at “Online Tambayan” naman, kung saan makakausap ng fans ang mga paborito nilang ex-housemates o “PBB” hosts mismo sa kanilang mga tahanan.

Samantala, ang “PBB: Stay At Home Edition” ay naging pagkakataon din ni Kuya para muling makakwentuhan ang kanyang dating housemates na sina Kim Chiu, Seth Fedelin, Robi Domingo, Yamyam Gucong, at Maymay Entrata nang sorpresahin niya ang mga ito sa isang video chat at bigyan ng big four tips para makaiwas sa COVID-19.

Lubos ang pagkagulat at tuwa ni Kim nang muling marinig ang boses ni Big Brother at naging panauhin niya ito sa kanyang bahay. Hindi naman daw malilimutan ni Robi ang mga aral na natutunan niya mula sa pagiging housemate dahil nagagamit niya pa rin ito ngayon sa kanyang buhay. Binigyan naman sila ng payo ni Kuya kung paano pananatilihing malusog ang katawan sa gitna ng quarantine. 

Hindi napigilang maiyak ni Maymay dahil lubos daw ang kanyang pagka-miss kay Kuya. Laking gulat din ni Yamyam nang makausap si Kuya at kinuwento ang pagbabago sa kanyang buhay matapos hiranging big winner.  

Nag-house tour naman si Seth sa kanyang napa-renovate na tahanan at nagpasalamat kay Kuya sa naitulong nito matapos ang paglabas niya sa kanyang bahay. Sa kanilang pag-uusap, nagpaalala si Big Brother sa mga paghahandang dapat gawin sa panahon ng pandemic

Ilan pa sa mga sinorpresa ni Kuya na dating housemates ay sina Fumiya Sankai, Edward Barber, at Melai Cantiveros.

Para sa latest updates tungkol sa “Pinoy Big Brother: Stay At Home Edition,” pumunta lamang sa Facebook, Twitter (@PBBabscbn), at Instagram (@pbbabscbntv) ng “PBB.”