News Releases

English | Tagalog

ABS-CBN, walang pinapaborang kandidato o partido sa halalan

July 07, 2020 AT 12:11 PM

ABS-CBN has no political bias, does not favor political candidates over others

Katigbak said ABS-CBN treated all campaigns equally in past elections and assured that “there was no effort” to prevent the airing of certain candidates' political ads.

Iginiit ng ABS-CBN president at CEO na si Carlo Katigbak na walang political agenda ang network at hindi nito pinaboran ang ilang kandidato sa mga nakaraang halalan.
 
Sa ika-12 na pagdinig ng Kongreso sa prangkisa ng ABS-CBN noong Lunes (Hulyo 6), sinabi ni Katigbak na patas ang pagtrato ng ABS-CBN sa lahat ng kampanya ng mga kandidato at hindi nila pinigilan ang pag-ere ng mga political ad o patalastas ng iilang kandidato.
 
Ayon kay Katigbak, may mga hindi rin naereng patalastas dahil may patakarang “first come, first served” ang network. Aniya, kahit na ipinaalam nila sa mga ad agency ng mga kandidato na puno na ang airtime para sa mga patalastas ng ilang TV shows, nakiusap pa rin silang ipila ang mga patalastas nila sakaling may umatras sa mga ito.
 
“Kasi po may mga request galing sa mga ahensya na tanggapin po at kung sakaling may umatras o hindi matuloy ay ipasok na lang nila ang telecast order nila,” paliwanag ni Katigbak.
 
Hindi naere ang ilang mga patalastas ng mga kumandidato sa pagka-senador, bise presidente, at pangulo mula sa iba’t ibang partido. Noong 2016, may mga hindi naereng patalastas nina President Rodrigo Duterte, Mar Roxas, at Miriam Defensor-Santiago, pati na ng vice presidential candidates noon na sina Vice President Leni Robredo, House Speaker Alan Peter Cayetano, Gov. Francis Escudero, Bongbong Marcos, at Antonio Trillanes IV.
 
Samantala, tiniyak naman ni Katigbak na gagawa ang network ng isang “online system” sa susunod na halalan para maging klaro at maliwanag ang pagbebenta nito ng airtime para sa mga patalastas.
 
“Assuming that we are on air during the next campaign period, we have already committed to put together an online system for the purchase of political ads so that there is full transparency as to the first come, first served policy, as well as full transparency on shows that are already filled up,” sabi ni Katigbak.
 
Sinabi rin niya na pag-aaralan ng network ang mungkahi ni Rep. Rufus Rodriguez na huwag nang tanggapin ang bayad para sa mga patalastas kung puno na ang airtime.
 
“Please allow us to give us time to consider your proposal because even the act of denying a candidate, the ability to purchase on a particular program may be considered as biased. But I understand the principles behind your proposal,” sagot ni Katigbak.
 
Sa parehong pagdinig, ipinahayag naman ng Commission on Elections (Comelec) na walang nakabinbing reklamo laban sa ABS-CBN hinggil sa paglabag sa election laws o pagtangging bigyan ng airtime ang mga kandidato o partido.
 
“The attorney of the law department said there is no complaint filed against ABS-CBN in matters on election laws and violation of election laws,” sabi ni Efraim Bag-id, ang acting director ng campaign finance office ng Comelec.
 
Dagdag ni Bag-id, wala ring natanggap na reklamo ang Comelec mula sa kahit anong kandidato o partido na “biased” ang ABS-CBN o na nilabag nito ang Omnibus Election Code.