News Releases

English | Tagalog

Tony at JC, may nakakakilig na duet ng "Kahit Na Anong Sabihin Ng Iba"

August 27, 2020 AT 04:16 PM

Para sa fans na nakaka-miss sa #XavMi ng hit BL series na “Hello Stranger”

May hatid na kilig sina Tony Labrusca at JC Alcantara sa duet nila ng kantang “Kahit Na Anong Sabihin Ng Iba” mula sa Star Music, matapos ang finale ng hit na Pinoy boys’ love (BL) series na “Hello Stranger” na pinagbidahan ng dalawa.

Malaki ang naging bahagi ng kanta sa istorya ng digital offering mula sa Black Sheep, lalo na kapag tumutugtog ito sa mga nakakatunaw na eksena nina Xavier (Tony) at Mico (JC).

Para sa mga XavMi fans na hindi maka-move on sa finale scene kung saan kinantahan ni Xav ng “Kahit Na Anong Sabihin Ng Iba" si Mico, inawit din ni Tony ang solong bersyon ng kanta na tumatalakay sa kahalagahan ng tiwala sa isang relasyon.

Samantala, dinumog ng fans mula sa iba't ibang bahagi ng mundo ang in-studio version ng kanta na in-upload sa YouTube at pinuri ang chemistry nina Tony at JC pati na ang magaang rendisyon nila sa kanta.

“Suddenly feeling emotional hearing this song from the cast of ‘Hello Stranger.’ Love from Malaysia,” ani Ida Aziz.

“I died because of the tenderness of the two of them singing beautifully, TonyJC greeting from Ecuador,” sabi ni Analía Boats.

“Big love for JC and Tony from Thailand! Best chemistry ever, I can feel it from my BL heart,” komento ni Bobboe Bobber.

Ang “Kahit Na Anong Sabihin Ng Iba” ay orihinal na kanta ng bandang Unit 406 at isinulat ng lead vocalist nito na si Gabriel Tagadtad. Ang rendisyon ni Seth Fedelin ng kanta ay ginamit din sa "Hello Stranger."

Yakapin ang lahat ng uri ng pag-ibig habang hinihintay ang movie sequel ng "Hello Stranger" at pakinggan ang solo at duet versions ng “Kahit Na Anong Sabihin Ng Iba” nina Tony at JC sa Star Music YouTube channel at sa iba't ibang digital streaming services. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.fb.com/starmusicph), at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH). 

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 2 PHOTOS FROM THIS ARTICLE