News Releases

English | Tagalog

Paulo hinalikan si Janine sa "Marry Me, Marry You"

October 05, 2021 AT 10:42 AM

Sunshine, magkaka-love life na ba sa mas bata?

Magpapakatotoo na si Andrei (Paulo Avelino) sa tunay niyang nararamdaman para kay Camille (Janine Gutierrez) at idadaan ito sa isang makahulugang halik ngayong linggo sa “Marry Me, Marry You,” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Pagkatapos magpaligoy-ligoy ng damdamin ni Andrei, masasagot na ang mga katanungan ni Camille tungkol sa totoong intensyon ni Andrei pagkatapos siya nitong halikan.  Katrabaho lang talaga ang tingin ni Andrei kay Camille noong una pero unti-unting nahulog ang loob niya dahil sa labis na pagmamalasakit at pag-aalaga na ginagawa ni Camille sa kanya.

Ngunit manganganib din ang kanilang pagsasama dahil gusto nang ibunyag ni Elvie (Cherry Pie Picache), ang ninang ni Camille, ang matagal na niyang sikreto na siya ang totoong nanay ni Andrei at handa siyang harapin ang anak upang humingi ng tawad pagkatapos niya itong ipamigay noong bata pa siya.

Hindi lang love life ni Camille ang sisigla, pero maging ng ninang niyang si Paula (Sunshine Dizon) na hiwalay sa asawa nito (Joko Diaz). Ngayong linggo, makikilala na ni Paula ang mas batang fitness coach na si Luke (Fino Herrera) na maaaring magpatibok ng kanyang puso.

Matatanggap kaya nina Camille at Andrei ang isa’t isa sa kabila ng masalimuot na nakaraan ng kanilang mga pamilya? Handa na nga bang magmahal muli si Paula?

Subaybayan ang “Marry Me, Marry You” gabi-gabi ng 9:25 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “Marry Me, Marry You.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.