News Releases

English | Tagalog

Charlie at Joshua, magtatagisan sa aktingan sa "Viral Scandal"

November 11, 2021 AT 01:44 PM

Magtatambal sa unang pagkakataon sina Charlie Dizon at Joshua Garcia sa napapanahong serye ng ABS-CBN Entertainment na "Viral Scandal" na mapapanood ngayong Lunes (Nob. 15).

 

Kaabang-abang ang salpukan nina Charlie at Joshua ng galing sa pag-arte sa pagbabalik-telebisyon nila bilang sina Rica at Kyle, dalawang kabataang masusubok ang relasyon dahil sa isang viral video. 

 

Si Rica ang panganay na anak nina Kakay (Dimples Romana) at Dan (Miko Raval). Patapos na siya ng kanyang pagsasanay sa isang architectural firm at kukuha na rin ng board exam, ngunit magbabago ang lahat sa oras na mag-viral ang kontrobersyal niyang video. 

 

Gayunpaman, pipilitin ni Rica na mamuhay nang normal at maga-apply sa Balai Arkitektura kung saan acting CEO si Kyle (Joshua). Dito, hahanapin ni Rica ang kumpyansa sa sariling nawala sa kanya dahil sa kahihiyang dinulot ng iskandalong kinasangkutan niya.

 

Sa gitna ng gulong haharapin ng dalawa, may puwang pa kaya ang pag-ibig para kina Rica at Kyle? 

 

Minamarkahan ng serye ang pagbabalik ng dalawa sa RCD Drama Unit, ang nagprodus ng award-winning shows nilang "A Soldiers Heart" at "The Killer Bride."

 

Makakakasama rin sa "Viral Scandal” sina Dimples Romana, Jake Cuenca, Miko Raval, Jameson Blake, Markus Patterson, Ria Atayde, Maxene Magalona, Aljon Mendoza, Karina Bautista, Louise Abuel, Kaila Estrada,Vance Larena, Gian Magdangal, Arielle Roces, at Aya Fernandez. Abangan ito sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC IPTV.

 

Para sa updates, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@absbncpr), at Instagram (@abscbnpr).