News Releases

English | Tagalog

Jodi gigil na gigil sa "The Broken Marriage Vow" trailer, serye mapapanood na sa Enero 2022

December 15, 2021 AT 01:10 PM

Jodi seething with rage in ABS-CBN's "The Broken Marriage Vow," series to air in January 2022

Itataas natin ang gigil mo sa 2022!

Nanggigigil sa galit at nilalamon ng kapraningan si Jodi Sta. Maria sa trailer ng inaabangang ABS-CBN drama series na “The Broken Marriage Vow” ng ABS-CBN. Mapapanood na ito ngayong Enero 2022 sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.
 
Inilabas ang tatlong minutong trailer noong Miyerkules (Disyembre 15) kung saan ipinakilala ang mapagmahal na ina at misis na si Dra. Jill Ilustre (Jodi) at kung paano dahan-dahang masisira ang masaya niyang pamilya matapos niyang madiskubreng niloloko siya ng asawang si David (Zanjoe Marudo).
 
Pagkatapos makita ang isang mahabang hibla ng buhok sa gamit ni David, magkakakutob si Jill na nambababae ito. Dahan-dahang kakainin si Jill ng pagdududa at iimbestigahan si David, susundan ang mga kinaroroonan nito, at pagsusupetsahan ang lahat ng babae sa paligid ng asawa.
 
Makukumpirma ang hinala ni Jill dahil matatagpuan niya ang isang cellphone ni David at ang mga litrato kung saan kasa-kasama nito ang kabit na si Lexy (Sue Ramirez). Guguho ang mundo ni Jill dahil madidiskubre rin niyang alam ng lahat ng mga kaibigan nila ang relasyon nina David at Lexy at itinatago nila ito mula sa kanya.
 
Ipinakita rin sa trailer ang ilan sa mahahalagang ekena sa serye, kabilang na ang tahasang pagtanggi ni David kay Jill na nambababae siya, ang doctor’s appointment ni Lexy kung saan nalaman niyang buntis siya kay David, at ang pang-eeskandalo ni Jill sa bahay ng mga magulang ni Lexy at paglalantad na ipinalaglag ni Lexy ang dinadalang baby nito kay David.
 
Ipinakita rin sa trailer si Zaijian Jaranilla sa papel niya bilang si Gio, ang kawawang anak na maiipit sa pagitan ng mga magulang niyang sina Jill at David.
 
Nasa trailer din si Diane (Jane Oineza), ang pasyente ni Jill na papakiusapan niyang sundan ang asawa; si Sandy (Angeli Bayani), ang malapit na kaibigang doctor ni Jill; sina Carol at Charlie (Bianca Manalo at Ketchup Eusebio), ang mag-asawang kapitbahay nina Jill at David; sina Nathalia at Alfred (Rachel Alejandro at Art Acuña), ang mga magulang ni Lexy; si Grace (Empress Shuck), ang sekretarya ni David; at si Marina (Susan Africa), ang kunsintidor na nanay ni David.
 
Sina Connie Macatuno at Andoy Ranay ang mga direktor ng “The Broken Marriage Vow,” ang Philippine adaptation ng sikat na BBC series na “Doctor Foster.”
 
Kasama rin sa cast sina Ronnie Lazaro, Joem Bascon, Brent Manalo, Malou Crisologo, Franco Laurel, Sandino Martin, Lao Rodriguez, Jet Gaitan, Jie Anne Armero, Migs Almendras, Avery Clyde, at JB Agustin.
 
Abangan ang pagbubukas ng “The Broken Marriage Vow” sa Enero 2022 sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live on ABS-CBN Entertainment’s YouTube channel and Facebook page, iWantTFC, at TFC.