News Releases

English | Tagalog

“Laugh Laban” hinirang na grand winner ‘Ang Patawang Tambay ng Nueva Ecija’

December 16, 2021 AT 01:02 PM

Panpan Ucol, wagi bilang bagong comedy star

Si Ron Oliver “Panpan” Ucol, ‘ang Patawang Tambay ng Nueva Ecija,’ ang kinilalang grand winner at bagong online comedy star sa kakatapos lang na “Laugh Laban” comedy competition ng FYE Channel sa kumu.

“Marami po akong natutunan at hindi po ako titigil. Gusto ko pa pong matuto at makapagpasaya pa ng maraming tao,” masayang pagtanggap ni Panpan sa nangyaring live announcement ng winners sa pangunguna ni “Laugh Laban” host Alex Calleja. 

Si Panpan ay dating OFW na noong una ay nagnanais lang masungkit ang second place pero naengganyong subukan manalo dahil na rin sa kanyang followers. Ibinahagi niya ang nais gawin sa P100,000 cash prize sa kanyang winning comic piece.

“’Pag nanalo po ako rito, Ma, makakabili na tayo ng totoong lechon. ‘Di ko na kailangang humiga sa lamesa tuwing Pasko at Bagong Taon,” pagbibiro niya.

Bukod sa cash prize, magkakaroon din ng FYE contract si Panpan at magiging bahagi ng “Give Laugh Everyday: An Online Holiday Comedy Special” na pangungunahan ni Alex ngayong Sabado (December 18), 8pm via Zoom. Tampok din sa event sina Mak Navarez, Imah Dumagay, Ramon Cabochan, Yuki Horikoshi, at Israel Buenaobra pati ang special guests na sina Mo Twiter, Angelicopter, at Daiana Menezes.

Samantala, ‘ang Bruno sa umaga, Mars sa gabi ng Pasay City’ na si Sandy del Rosario naman ang naging first runner-up sa kompetisyon na mag-uuwi ng P50,000 cash prize at magkakaroon ng FYE contract. Second-runner up naman si Dawit Tabonares, ‘ang Super BISAYAN ng Cebu’ na nagwagi ngP20,000 cash prize at magiging bahagi rin ng FYE family.

Makakasama rin sila Panpan, Sandy, at Dawit sa “Lakas Tawa” show ng FYE sa kumu simula January 2022.

Napili ang “Laugh Laban” winners ng panel of judges na kinabibilangan ng isa sa living legends ng Philippine comedy at dating Director General ng Film Academy of the Philippines na si Leo Martinez, ABS-CBN executive at veteran producer Linggit Tan, at TeleRadyo showbiz talk show at “Kumu Star Ka” host Ahwel Paz.

Makisaya kasama ang bagong comedy star na si Panpan kasama si Alex sa “Give Laugh Everyday: An Online Holiday Comedy Special.” Mabibili ang tickets sa ticket2me.net. Para sa karagdagang detalye, sundan ang @fyechannel sa Facebook at Instagram. Magdownload na ng kumu app at sundan ang @fyechannel (app.kumu.ph/fyechannel).