News Releases

English | Tagalog

SethDrea may pangako sa isa't isa sa "Saying Goodbye" ng iQYi

December 20, 2021 AT 05:25 PM

Bubuuin na nina Elise (Andrea Brillantes) at Ricky (Seth Fedelin) ang bucket list ng mga bagay na gusto nilang magawa nang magkasama habang hinaharap ang dahan-dahang pagkamatay ni Ricky sa original Filipino series ng iQYi na “Saying Goodbye.”
 
Nahihirapan pa rin si Elise na tanggapin na bilang na lang ang mga araw ng best friend niya matapos nitong ipagtapat na patuloy na humihina ang puso niya dahil sa dinadalang heart condition.
 
Desidido naman si Ricky na sulitin ang bawat araw na nabubuhay siya at gawin ang lahat ng gusto niya bago siya mawala sa mundo, habang mapapagtanto ni Elise na hindi pwedeng habangbuhay siyang matakot sa kamatayan. Palagi kasing iniiwasan ni Elise ang usapan tungkol dito dahil na rin sa trauma niya mula sa pagkamatay ng sarili niyang ama.
 
Ngunit magdedesisyon din si Elise na tulungan si Ricky na matupad ang lahat ng pangarap nito sa bucket list, pero ang kapalit nito’y pangako ni Ricky na patuloy niyang lalabanan ang sakit niya hanggang sa dulo.
 
Pagkatapos ng pitong taong pagkakaibigan, unti-unting madidiskubre ng dalawa na ang totoong nararamdaman nila sa isa’t isa ay higit pa sa pagkakaibigan. Sa kabila ng banta ng kamatayan, huli na ba ang lahat para sa pag-ibig? O ipaglalaban ba nila ito kahit pa alam nilang kailangan nilang magpaalam sa isa’t isa?
 
Sa latest episodes, napanood na rin kung paano nagkrus ang landas nina Joni (Andi Abaya), ang masayahing kababata ni Elise, at ni Vic (Kobie Brown), ang kaibigan ni Ricky na gaya niya ay may heart condition, at kung paano pa mabubuo ang espesyal na pagtitinginan nilang dalawa. Malapit na ring mapanood ang karakter ni Jericho na gagampanan ni Nio Tria, ang mayabang at preskong pinsan ni Ricky.
 
Isinulat at idinirek ni Dolly Dulu ang “Saying Goodbye,” kung saan napapanood din sina Sunshine Dizon, Dominic Ochoa, Valerie Concepcion, Polo Ravales, at Bernard Palanca.
 
Ito ay bahagi ng multi-title content deal sa pagitan ng ABS-CBN at iQYi, kasama ang iba pang original shows na “Hello Heart” at “Lyric & Beat.”
 
Libre at ekslusibong napapanood ang bagong episode ng “Saying Goodbye” tuwing Sabado, 8 PM, sa iQiyi PH app o iQ.com.