News Releases

English | Tagalog

Tirso at anak na si Djanin, panalo ng P150,000 sa "Madlang Pi-Poll"

December 21, 2021 AT 11:43 AM

Nasungkit muli ang P150,000 jackpot prize sa "Madlang Pi-Poll" nitong Biyernes (Dis.17) matapos mapulsuhan ng tama ng mag-amang sina Tirso Cruz III at Djanin Cruz ang lahat ng sagot ng home viewers.

 

Laking pasalamat ni Tirso sa anak dahil ito ang naging susi ng kanilang pagkapanalo. "Maraming maraming salamat sa anak ko. Kung hindi dahil sa kanya, hindi kami makaka-sweep malamang baka mali mali ang isagot ko kung wala siya," saad niya.

 

Inanunsyo naman ni Kim Chiu na magbibigay siya ng tig-P10,000 sa lucky viewers kaya naman labis din ang saya nila.  Ang hindi inasahan ni Kim ay mapipili niya ang bolang may numerong 5 na ibig sabihin ay P50,000 ang ido-donate niya.

 

"Ang dami pala! Merry Christmas, madlang people!," saad ni Kim.

 

Samantala, tuloy-tuloy naman ang pasabog ng "It's Showtime" ngayong Kapaskuhan sa paglaunch nito ng bagong segment na "Showtime Sexy Babe" kung saan mapapanood ang angking katalinuhan, talento, at kasesksihan ng mga single na Pilipina.

 

Tuwing Lunes hanggang Biyernes, magtatagisan ang dalawang babae sa "Showtime Sexy Babe" at dadaan sa tatlong rounds. Una rito ang "Ooh La-Lakad,”kung saan rarampa sila na parang nasa isang bikini competition at magpapakita rin ng kanilang talento. Susunod naman dito ang "Hot-Tanungan," kung saan sasagot sila sa isang katanungan tungkol sa mga isyu na nararanasan ng mga kababaihan.

 

Panghuli naman ang "Final Women-sahe," kung saan magbabahagi sila ng kanilang mga nagustuhan sa kanilang kalaban.

 

Itinanghal na kauna-unahang daily winner ang 26 anyos na model mula sa Ilo-ilo na si Joyce Lavida matapos siyang makakuha ng total combined score na 98.3% mula sa hurados na sina Jake Cuenca, Ruffa Gutierrez, at Chie Filomeno. Nag-uwi siya ng P10,000, sash, at bulaklak.

 

Panoorin ang “It’sShowtime” mula Lunes hanggang Sabado sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.

 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin angwww.abs-cbn.com/newsroom.