News Releases

English | Tagalog

Coco, sasabak sa gyera dahil kay Richard sa "FPJ's Ang Probinsyano"

May 26, 2021 AT 01:58 PM

Richard sells out Coco to enemies in "FPJ's Ang Probinsyano"

Action-packed series breaks online viewership record four times this month

Isa na namang malaking sagupaan ang haharapin nina Cardo (Coco Martin) at buong Task Force Agila sa “FPJ’s Ang Probinsyano” ngayong linggo pagkatapos ang sunod-sunod na pagtala ng programa ng mataas na online views ngayong buwan.

Sa pagbabalik ni Cardo kasama ang bihag na si Lia (Jane De Leon) sa hideout nila ng Task Force Agila, patuloy na malalagay sa panganib ang buhay niya pagkatapos ibunyag ni Lito (Richard Gutierrez) ang kanilang kinaroroonan kay Renato (John Arcilla), ang mortal na kaaway ni Cardo na matagal nang inaabangan ang pagtutuos nilang dalawa.

Ngunit bago ang bakbakan, nagkainitan din sina Cardo at ang kanyang mga kasamahan nang matuklasan ni Cardo ang pagturing bilang mga bilanggo sa kanyang mga biyenan.

Maisasantabi pa kaya nina Cardo at ng Task Force Agila ang kanilang away para iligtas ang kanilang mga sarili? Kaninong grupo ang malalagasan sa susunod na engkwentro?

Patuloy na kumakapit ang mga manonood sa maaaksyong eksena sa “FPJ’s Ang Probinsyano” matapos nitong magtala ng pinakamaraming viewers apat na beses ngayong buwan sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment. Noong Mayo 25, nakakuha ng all-time high na 120,256 peak concurrent viewers ang episode nito.

Huwag palampasin ang mga maaaksyong eksena sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV, at iflix. Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang  www.abs-cbn.com/newsroom.