News Releases

English | Tagalog

Coco sisingilin na si Richard sa "FPJ's Ang Probinsyano"

June 18, 2021 AT 01:52 PM

Coco retaliates versus Richard in "FPJ's Ang Probinsyano"

Are Cardo and Task Force Agila still safe at Lia's house?

Lagot si Lito (Richard Gutierrez) kay Cardo (Coco Martin)! Oras na ng paniningil ni Cardo dahil walang siyang sasayanging oras para pagbayarin si Lito (Richard) sa ginawang panghuhudas nito sa kanya at sa namatay na asawang si Alyana sa “FPJ’s Ang Probinsyano” na napapanood gabi-gabi sa TV5.
 
Sa pagbubukas ng bagong linggo ngayong Lunes (Hunyo 21), isa na namang umaatikabong bakbakan ang dapat na abangan dahil mula sa pagtatago nila sa bahay ni Lia (Jane De Leon), susugurin ni Cardo at ng Task Force Agila ang mansyon ni Lito upang pagbayarin ito sa mga kasalanan niya.
 
 

Kailangan pa ring mag-ingat ng buong grupo dahil mas umiigting ang paghahanap sa kanila ng Black Ops team sa pangunguna ni Maj. Albert (Geoff Eigenmann), ang kasintahan ni Lia na gigil nang mapatay si Cardo.
 
Nabulabog naman ang Task Force Agila dahil dumalaw si Albert sa tahanan ni Lia kung saan sila nananatili at nangako pa sa pamilya ng dalaga na hahanapin nila ito, nang walang kaalam-alam na nakauwi na pala si Lia. Dahil sa pagbisita ng Black Ops, sumabog ang tensyon sa pagitan ng pamilya ni Lia at Task Force Agila sa pag-aakala ng grupo na sinuplong na sila nito sa mga awtoridad.
 
Kahit na naiipit sa pagitan ng pamilya niya at kay Cardo, determinado pa rin si Lia na gawin ang lahat para tulungan ito para makabawi sa pagkakapaslang ng Black Ops kay Alyana. 
 
Hanggang kailan mananatili ang Task Force Agila kina Lia? Katapusan na nga ba ni Lito sa kamay ni Cardo?
 
Huwag palampasin ang mga maaaksyong eksena sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “FPJ’s Ang Probinsyano.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.
 
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang abscbnpr.com.