News Releases

English | Tagalog

Coco at Jane, nagkakamabutihan na sa "FPJ's Ang Probinsyano"?

June 30, 2021 AT 02:18 PM

Sa kabila ng pagdurusa ng puso dahil sa sunod-sunod na problema, makakahanap ng karamay si Lia (Jane De Leon) kay Cardo (Coco Martin) sa ABS-CBN teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Unti-unti nang lumalambot ang puso ni Cardo para kay Lia dahil sa simpatyang nararamdaman niya para sa dalaga at sa hirap na pinagdadaanan nito. Pagkatapos kasing hiwalayan ng kasintahan niyang si Albert (Geoff Eigenmann), natuklasan naman ni Lia na may ibang pamilya ang ama niyang si Fernando (Christian Vasquez) at matagal na itong nililihim sa kanila.

Nagkaroon din ng isang mapusong usapan ang dalawa kung saan binigyan pa ni Cardo ng payo si Lia tungkol sa mga pinagdadaanan niyang pagsubok.

Sa kabila ng pagkakamabutihan nilang dalawa, labis naman ang galit ni Fernando kay Cardo dahil pinagbibintangan niya ito sa pag-ungkat ng kanyang sikreto para siraan siya.

Hanggang saan hahantong ang alitan nina Fernando at Cardo? Ito na ba ang pagkakataon para mapatawad ni Cardo si Lia para sa pagkamatay ni Alyana?

Huwag palampasin ang mga maaaksyong eksena sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “FPJ’s Ang Probinsyano.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang abscbnpr.com.