News Releases

English | Tagalog

May pag-ibig kayang mabuo sa pagitan nina Alexa at Gab sa "Init sa Magdamag"

July 12, 2021 AT 03:36 PM

Nagbago na ang ihip ng hangin para kay Kiko (Gab Lagman) ngayong naamin na niya sa sarili na may pagtingin siya kay Hannah (Alexa Ilacad) matapos ang matagal na aso't pusang turingan nila sa isa’t isa, sa bagong yugto ng gabi-gabing inaabangang ABS-CBN teleserye na “Init Sa Magdamag.”   

  

Nagsimulang mag-iba ang kanyang pagtingin nang makita ang pagmamalasakit ni Hannah sa mga taong tinutulungan nila noong panahong nagtratrabaho pa sa foundation ang dalaga.   

  

Naamin na niya sa sarili na hindi lang kaibigan ang turing niya sa babae sa mga panahong naglalasing ito dala ng bubog sa kanyang kuya na si Tupe (Gerald Anderson). Palagi naman siyang nahuhuli ng kanyang tatay na nagiging tuliro at nagkakamali sa mga gawain dahil sa labis na pag-iisip kay Hannah.   

  

Samantala, hindi lang naman siya ang nagbago ang pananaw kundi si Hannah din. Mas gumaan na rin ang loob ni Hannah sa binata lalo pa at isa ito sa mga tumulong gawin ang studio na supresa ni Tupe sa kanya.   

  

Sa gitna ng magulong agawan ng puso sa pagitan nina Tupe, Rita, at Peterson (JM de Guzman), may mabuo kayang pagmamahalan ang dalawang ito?   

  

Panoorin ang “Init sa Magdamag” gabi-gabi, 9:20 sa TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Jeepney TV at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. Sa labas ng bansa, ito ay mapapanood sa The Filipino Channel. Mapapanood naman ang advance episodes nito sa iWantTFC at WeTV at iflix.    

  

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom