News Releases

English | Tagalog

Coco at Jane, magsasanib-pwersa sa pagsagip kay Aya sa "FPJ's Ang Probinsyano"

July 26, 2021 AT 06:04 PM

Isasantabi muna nina Cardo at Lia (Coco Martin at Jane De Leon) ang hindi nila pagkakaunawaan para mailigtas ang kapatid ng dalaga sa maaaksyong eksena ngayong linggo sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Nag-aalangan mang maging magkakampi muli, magsasanib-pwersa sina Cardo at Lia kasama ang buong Task Force Agila para matunton si Audrey (Aya Fernandez), ang ate ni Lia na dinukot ng mga armadong lalaki.

Kasalukuyang bihag si Audrey ng mga tauhan ni Enrique Vera (Simon Ibarra), isang kilalang drug lord at dating kliyente ng ama nina Audrey at Lia na si Fernando (Christian Vasquez). Ito ang paraan ng paghihiganti ni Enrique kay Fernando matapos nitong talikuran ang mga iligal niyang gawain.

Ngayong linggo, susugurin rin ni Enrique ang bahay ni Fernando para takutin ito ngunit wala siyang kamalay-malay na doon nakatago at nakatira sina Cardo at ang buong Task Force Agila.

Mailigtas kaya nina Cardo at Lia si Audrey sa kabila ng gusot sa pagitan nila?

Huwag palampasin ang mga maaaksyong eksena sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “FPJ’s Ang Probinsyano.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang abscbnpr.com.