News Releases

English | Tagalog

Erich binulabog sina Agot at Raymond, JC napahiya sa "La Vida Lena"

August 25, 2021 AT 01:21 PM

Erich shocks JC, Agot, and Raymond in "La Vida Lena"

All-out na ang paniningil ng karma!

Natikman na ng mga kaaway ni Lena (Erich Gonzales) ang unang hagupit ng kanyang paghihiganti matapos niyang ilantad ang bago niyang mukha at bulabugin ng mga sunod-sunod na rebelasyon sina Adrian, Vanessa, at Lucas (JC De Vera, Agot Isidro, at Raymond Bagatsing) sa “La Vida Lena,” na napapanood gabi-gabi sa TV5, A2Z, at Kapamilya Channel.   

 

Matinding kahihiyan ang inabot ni Adrian sa mga magulang niyang sina Vanessa at Lucas nang malaman niyang ang ipinakilala niyang kasintahang si Lena ay si Magda, ang babaeng matagal nang kaaway ng pamilya nila na nagparetoke ng mukha. Bukod sa paglalantad ni Lena, nasindak din ang mag-asawang Narciso sa rebelasyon ni Lena na pinagbubuntis niya ang apo nila.

 

Hindi pa nagtapos doon ang pang-iiskandalo ni Lena dahil maging ang nakaraan nila ni Miguel (Kit Thompson) ay ibinulgar niya sa asawa nitong si Rachel (Sofia Andres). Talagang ipinamukha ni Lena kay Rachel na niligawan at nabuntis pa siya ni Miguel para makapagpasipsip ito sa makapangyarihan nilang pamilya.

 

Dadagdag din sa mga kalbaryo ng pamilya Narciso ang katotohanang kasabwat ni Lena si Ramona (Janice De Belen), ang babaeng inakusahan ni Lucas na pumatay sa ama niya.

 

Ngayong nagkalabasan na sila ng mga baho, isasapubliko na ni Lena at mga Narciso ang alitan nila dahil maglalabas sila ng sunod-sunod na paninira para pabagsakin ang isa’t isa. Ano ang susunod na hakbang ni Lena para maningil ng karma sa mga kaaway niya?

 

Subaybayan ang paghihiganti ni Lena sa “La Vida Lena” gabi-gabi, 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din ang episodes nito sa iWantTFC at sa The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV para sa viewers sa labas ng Pilipinas.

 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.