News Releases

English | Tagalog

LA Santos at rapper na si CLR, nanghaharana sa "Ano'ng Pangalan Mo?" single

August 26, 2021 AT 03:48 PM

Awiting alay para sa mga itinuturing na beauty queen
 
Tila hinaharana ng music artist na si La Santos kasama ang rapper na si CLR ang mga ‘beauty queen’ sa buhay nila sa bagong kanta na pinamagatang “Ano’ng Pangalan Mo?” na ini-release ng 7K Sounds at ABS-CBN Music.
 
Unang narinig ang “Ano’ng Pangalan Mo?” sa swimsuit competition ng Binibining Pilipinas 2021 nito lang Hulyo, na swak dahil ani LA, kumuha siya ng inspirasyon sa lyrics ng kanta sa crush niyang babae na sa sobrang gusto niya ay nagmukha nang beauty queen sa kanyang mata.

 
Mapapakinggan ang hook nito na “Ikaw ang binibini ko / Ikaw ang pipiliin ko” kasabay ng tunog ng trap beat na dinadagdagan ng saktong timpla ng rap verse ni CLR na siya mismo ang nagsulat. Si LA mismo ang kumausap kay CLR para gawin ang proyekto at makumpleto ang vibe nito.
 
Sina Christian Alexander Bonoan, Duane Jefferson Ansula, at Mark Lizard Damiar ang nag-compose ng kanta. Sina Duane at Mark din ang nag-prodyus nito kasama si Matthew Reyes, habang si DJ Steelo naman ang nagsilbing arranger.
 
Bago ang “Ano’ng Pangalan Mo?,” inilabas ng 7K Sounds CEO ang pop/R&B single niya na “Gitna ng Langit,” tungkol sa pag-appreciate sa nararamdaman sa isang tao kahit pa sa gitna ng simpleng mga bagay. Nakatakda rin siyang maglabas ng album, pero sa ngayon ay nag-aaral siya ng music production sa De La Salle-College of Saint Benilde. Napanood din siya sa ABS-CBN teleserye na “Ang Sa Iyo Ay Akin.”
 
Pakinggan ang “Ano’ng Pangalan Mo?” ni LA at CLR sa ABS-CBN Star Music YouTube channel at sa iba’t ibang digital music services. Para sa iba pang detalye, sundan ang 7K Sounds sa Facebook, Twitter, Instagram, at YouTube, @7ksounds.

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 5 PHOTOS FROM THIS ARTICLE