News Releases

English | Tagalog

"The Boy Foretold by the Stars" at "Love Beneath the Stars" libre sa iWantTFC ngayong Agosto

August 04, 2021 AT 12:37 PM

Serye ng The Gold Squad at marami pang iba libre na rin

Masusubaybayan na ang simula at pagpapatuloy ng love story nina Dominic at Luke (Adrian Lindayag at Keann Johnson) sa pelikulang “The Boy Foretold by the Stars” at ang kasunod nitong seryeng “Love Beneath the Stars” dahil magiging available na ang mga ito nang libre sa iWantTFC ngayong Agosto.

Sa Pinoy boys’ love film na “The Boy Foretold by the Stars,” unti-unting mahuhulog ang loob nina Dominic at Luke sa isa’t isa matapos nilang magkakilala sa isang school retreat. Mapapanood ngayong Agosto 7 ang naturang pelikula, na unang ipinalabas sa 2020 Metro Manila Film Festival.

Madudugtungan ang kwento nila sa “Love Beneath the Stars,” isang iWantTFC original series na may bagong episodes kada Lunes simula Agosto 16. Dito, mas masusubok ang pagmamahalan nilang dalawa dahil sa pangongontra ng mga tao sa paligid nila.

Mayroon ding iba’t ibang libreng serye at pelikula na maaring pagpilian tulad ng digital anthology series na “Click, Like, Share” nina Kyle Echarri, Francine Diaz, Seth Fedelin, at Andrea Brillantes. Tungkol ito sa wastong paggamit ng social media na mapapanood kada Biyernes ng 8:30 PM simula Agosto 6, dalawang araw bago ipalabas sa TV.

Nakakapangilabot na kababalaghan naman ang hatid nina Dennis Trillo, Beauty Gonzales, Raymond Bagatsing, at Alyssa Muhlach sa pelikulang “Hellcome Home” tungkol sa masasamang espiritu. Sa “Haunted Forest,” malalagay sa panganib ang buhay ng magkaibigang sina Jane Oineza, Maris Racal, Jameson Blake, at Jon Lucas matapos sundan ng mga misteryosong elemento.

Mapapanood din ang pinakabagong lifestyle show na “It’s A Small World” ng socialite na si Small Laude. Dito, ipapasilip niya ang kanyang marangyang pamumuhay at makikipagchikahan sa iba’t ibang sikat na personalidad.

Sanib-pwersa naman ang naglalakihang K-pop artists tulad ng NCT Dream, BTOB, Brave Girls, at Oh My Girl para sa malaking selebrasyon sa “Together Again: A K-pop Concert.”

Panoorin nang libre ang mga serye at pelikulang ito sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com. Mapapanood din ang iWantTFC sa mas malaking screen sa piling devices gaya ng VEWD, ROKU streaming devices, Android TV, piling Samsung Smart TV models, Telstra TV para sa users sa labas ng Pilipinas, at VIDAA para sa piling mga bansa. Available na rin ang iWantTFC via Chromecast at Airplay. Para sa kumpletong listahan ng compatible devices, sign in instructions, at account activation, bisitahin ang https://iwanttfc.com/help#tfc-on-smart-tv.

Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/iWantTFC o sundan ang @iwanttfc sa Twitter at Instagram, at mag-subscribe sa www.youtube.com/iWantTFC. Kung may mga katanungan naman, ipadala ang mga ito sa Facebook page ng iWantTFC o mag-e-mail sa support@iwanttfc.com.