News Releases

English | Tagalog

Gerald at Yam, pagbabayarin si JM sa mga krimen sa "Init sa Magdamag"

September 01, 2021 AT 12:44 PM

Gagawin nina Tupe (Gerald Anderson) at Rita (Yam Concepcion) ang lahat para makulong na nang tuluyan si Peterson (JM de Guzman) matapos itong ipaaresto ng dalawa sa tangkang pagpatay at pagkamatay ni Miguel Salcedo (Joey Marquez) sa huling walong gabi ng "Init sa Magdamag."  

 

Matapos hindi sundin ang utos na patayin si Tupe, isiniwalat ni Joko (Manuel Chua) sa doktor ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa pagkamatay ng ama. Inamin nito na inutusan siya ni Peterson na takutin at bugbugin si Tupe para hindi na makalapit kay Rita. 

 

Handa na rin siya na tumestigo laban kay Peterson para makuha ni Tupe ang hustisya sa pagkamatay ng ama. Nayanig si Tupe sa rebelasyon at ginustong malaman ang iba ang kasabwat nito, ngunit hindi nito napilit si Joko dahil hindi pa handa lumantad ang kanyang mga kasama. Ang hindi nila alam, may mahalagang  ebidensya na hawak si Lab (Boom Labrusca) nang makunan niya ang pag-uusap nina Joko at Peterson matapos mapatay nila ang ama ni Tupe.  

 

Hindi naman nagdalawang-isip si Tupe na isuplong si Peterson sa awtoridad aa salang pagtangka muli sa kanyang buhay at pagpatay sa kanyang ama. Abot langit ang galit ni Rta nang malaman ito at dahil mula umpisa ay napaikot pala siya ni Peterson.

 

Mabulok kaya si Peterson sa kulungan o malusutan niya ito at balikan sina Tupe at Rita? Magsalita na kaya si Lab o si Kiko (Gab Lagman) sa kanyang mga nalalaman? 

 

Panoorin ang huling buga ng “Init sa Magdamag” gabi-gabi, 9:20 sa TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Jeepney TV at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. Sa labas ng bansa, ito ay mapapanood sa The Filipino Channel habang ang advance episodes nito ay nasa iWantTFC at WeTV iflix.   

 

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.