News Releases

English | Tagalog

Paulo, lumalambot na ang puso kay Janine sa "Marry Me, Marry You"

September 22, 2021 AT 02:37 PM

Sa kabila ng kanilang mga bangayan at hindi pagkakasundo, unti-unting napapalapit sa isa’t isa sina Camille at Andrei (Janine Gutierrez at Paulo Avelino) ngayong magkasama na sila sa trabaho sa “Marry Me, Marry You,” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Pagkatapos tanggapin ni Camille ang alok ni Andrei na trabaho, determinado si Camille na tulungan ang suplado niyang boss para magtagumpay ang matagal na nitong pinagtatrabahuhang malaking business project.

Pero hindi lang sa trabaho kundi pati sa personal na buhay ni Andrei ay gustong tumulong ni Camille. Natuklasan kasi ni Camille na malalim ang dala-dalang hinanakit ni Andrei sa sariling ina niyang biglaan siyang iniwan noong bata pa siya. Dagdag pa sa mga problema ni Andrei ang kanyang ama at boss na si Emilio (Edu Manzano), dahil lagi nitong pinapamukha sa kanya na wala siyang silbi.

Wala namang kamalay-malay si Camille na ang itinuturing niyang pangalawang inang si Elvie (Cherry Pie Picache) ang totoong nanay ni Andrei at matagal nang nililihim ito sa kanya. Hanggang ngayon, ang buong akala ni Andrei ay basta na lang siyang inabandona ng ina kaya labis pa rin ang galit niya rito.

Hindi rin alam ni Andrei ang naging masalimuot na paghihiwalay ng kanyang mga magulang. Nakipagkasunduan kasi si Elvie kay Emilio noon na bibigyan nito ng maganda at maayos na buhay si Andrei sa isang kondisyon – bawal na siyang makipagkita sa anak niya habangbuhay.

Ano ang mangyayari sa samahan nina Camille at Andrei sa oras na malaman nilang si Elvie ang totoong ina ng binata?

Subaybayan ang “Marry Me, Marry You” gabi-gabi ng 9:25 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “Marry Me, Marry You.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.