News Releases

English | Tagalog

Nakakagigil na mga eksena sa "The Broken Marriage Vow," trending sa social media

January 25, 2022 AT 04:39 PM

Napapanood sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at Viu

Mainit na pinag-usapan sa social media ang nakakagigil na mga eksena nina Jodi Sta. Maria at Zanjoe Marudo sa “The Broken Marriage Vow” ng ABS-CBN, pagkatapos mapanood ang pilot episode nito sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5. 

Sa pagpapatuloy ng kwento ngayong linggo, magsisimula na ang pag-iimbestiga ni Jill (Jodi) sa asawang si David (Zanjoe) dahil lalo pang lalakas ang kutob niyang nambababae ito pagkatapos makakita ng lip balm at isang mahabang hibla ng buhok sa gamit nito.

Kinunan nang buo sa Baguio ang “The Broken Marriage Vow,” ang Philippine adaptation ng “Doctor Foster,” sa direksyon nina Concepcion Macatuno at Andoy Ranay.

Trending sa Twitter Philippines noong Lunes (Enero 24) ang #TBMVGlobalPremiere, #TheBrokenMarriageVow, “Jodi as Dra,” at Jill Ilustre pagkatapos dumagsa ang mga positibong komento ng netizens para sa pilot episode ng serye. Ngayon pa lang ay inaabangan na rin ng fans ang nakakatensyong paghaharap nina Jill, ang asawa niyang si David, at ang kabit nitong si Lexy (Sue Ramirez). 

Ayon kay @hoenicurn sa Twitter, kahit isang episode pa lang ang napanood niya, malinaw na “top-notch” ang quality nito, “the set, location, costume are praiseworthy. An eye-popping visual feast! I am sure that it will set the standards on a higher scale. This is a giant leap for a Filipino TV series!”

“Pilot looks good. Feels very much like its South Korean counterpart. The cast is perfect, camera work looks slick, wardrobe is to die for, stylish yet very slick, parang ang sarap tumira sa Baguio,” sabi ni @ace_antipolo.

Napansin naman ni @AltStudio23 ang mga mahahalagang detalye sa bawat eksena at nagkomento, “Each gap talagang tutok ka. Every body movement, every line, camera movement. Ang ganda. Carefully made, it is very evident.”

Bilib na bilib naman si @alkimermaid sa pagganap ni Jodi, “Grabe Jodi Sta. Maria is super slaying the role! I love her eyes, the dramatic intensity of her expressions. It’s very impressive and superb! Hats off!”

Subaybayan ang “The Broken Marriage Vow” mula Lunes hanggang Biyernes, 8:40 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Viu, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “The Broken Marriage Vow.”

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.