News Releases

English | Tagalog

Janine Berdin at Sam Mangubat, nag-duet para sa kantang "PAGOD NA"

October 20, 2022 AT 11:55 AM

Matinding hugot ang ipinaparating ng “Tawag ng Tanghalan” alumni na sina Janine Berdin at Sam Mangubat sa kanilang song collaboration na pinamagatang “PAGOD NA.”

 
Sinulat ni Janine ang kanta upang magbigay comfort sa mga tao at ipahayag na normal lang makaramdam ng pagod. Aniya, ““I hope na maghatid ito ng reassurance na okay lang mapagod at na kailangan din nating tanggapin ang iba’t ibang pagsubok na dumarating sa buhay.”
 
Iprinodyus naman ni Sam ang kanta sa ilalim ng Star Music kasama si Xergio Ramos na nag-areglo rin nito.
 
Sinundan ng “PAGOD NA” ang isa pang relatable song na “Pagod Na Ako” ni Janine na ini-release naman noong Nobyembre ng nakaraang taon. Si Juan Karlos ang nagprodyus at nag-areglo ng nasabing hit song.
 
Tinaguriang “Gem of Pop,” nakilala si Janine nang manalo ito sa ikalawang season ng “Tawag ng Tanghalan.” Nitong 2022, nilabas niya ang kanyang debut EP na “WTF I actually wrote these songs” na humakot ng 1.5 million streams sa Spotify sa loob lamang ng siyam na araw. Nakipag-collab din si Janine sa isa pang OPM artist na si Adie sa kantang “Mahika” na umakyat na sa no.1 ng Billboard Philippines songs chart.
 
Samantala, nakilala naman si Sam sa unang season ng “Tawag ng Tanghalan” kung saan naging first runner-up siya. Patuloy ang pag-release ng mga kanta ni Sam tulad ng “Bakit Nga Ba Mahal Kita,” “Zebbiana,” at “You’re Still the One” na meron ng 1 million streams sa Spotify bawat isa. Kilala rin si Sam sa YouTube kung saan madalas itong mag-upload ng cover songs sa kanyang channel na may 700,000 subscribers at 100 million total views.
 
Napapakinggan na ang “PAGOD NA” single nina Janine at Sam sa iba’t ibang digital platforms at napapanood naman ang lyric video nito sa YouTube. Para sa updates, sundan ang Star Music sa FacebookTwitterInstagramTiktok, at YouTube.