News Releases

English | Tagalog

Charlie at Dimples, nagsagutan at nagsumbatan sa "Viral Scandal"

February 10, 2022 AT 02:53 PM

May namumuong hidwaan sa pamilya.  Nagharapan sina Kakay (Dimples Romana) at ang anak na si Rica (Charlie Dizon) matapos malamang tinanggap nito ang trust fund at kwintas galing sa tunay na ama nitong si Troy (Jake Cuenca) sa "Viral Scandal."

 

Alam ni Kakay na nag-iba ang tingin ni Rica sa tunay nitong ama matapos ang kanilang paghahanap kay Raven (Kaila Estrada) ngunit hindi ito batayan para papasukin nito si Troy sa kanilang buhay. 

 

Sinabi naman ni Rica na hindi naging madali ang kanyang desisyon. Mas humirap pa ito nang malaman niyang nagsinungaling si Kakay at sinabing iniwan silang mag-ina ni Troy noong sanggol siya. Sa katunayan, hindi siya kinalimutan ng ama at minahal siya kung kaya’t nag-iba ang kanyang pananaw.

 

 

Gayunpaman, alam niyang masasaktan si Dan (Miko Raval) kapag pinapasok niya si Troy sa kanyang buhay. Nagda-dalawang isip pa rin siya kung ibabalik ba niya kay Troy ang naturang trust fund at kwintas. 

 

Samantala, tanggap na ni Audrey (Maxene Magalona) na kailangan niya sundin si Troy para maayos ang kanilang pagsasama. Papayag na siyang papasukin si Rica sa kanilang buhay at kilalanin ito bilang anak ng asawa. 

 

Ibalik pa kaya ni Rica ang trust fund at kwintas o tuluyan na kaya niyang papasukin ang tunay na ama sa kanyang buhay?

 

 

Ang “Viral Scandal” ay nasa ilalim ng direksyon nina Dado C. Lumibao at Froy Allan Leonardo at produksyon ng RCD Narratives. 

 

Subaybayan ang “Viral Scandal” gabi-gabi ng 9:20 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, iWantTFC, WeTV iflix. Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.