News Releases

English | Tagalog

Jodi, inakit si Ketchup sa "'The Broken Marriage Vow"

February 16, 2022 AT 12:40 PM

Sue, balak ipalaglag ang baby nila ni Zanjoe

Nagtagumpay si Jill (Jodi Sta. Maria) sa pang-aakit niya kay Charlie (Ketchup Eusebio) dahil natuklasan niya mula rito ang pagwawaldas ni David (Zanjoe Marudo) ng pera nila sa “The Broken Marriage Vow,” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5. 

Isa-isa nang natutuklasan ni Jill ang mga baho ni David matapos niyang madiskubreng halos ubos na pera nila dahil sa mga sikretong transaksyon nito. Dismayado pa si Jill dahil nalaman niyang nabawasan din ang college fund ng anak nilang si Gio (Zaijian Jaranilla) at nakalusot ang pineke ni David na mga pirma ni Jill.

Dahil dito, mukhang kailangan munang ipagpaliban ni Jill ang pagsampa niya ng annulment hangga’t mabawi niya ang perang nawala. Pero hindi ito magiging madali para kay Jill dahil nanganganib na hindi matuloy ang proyekto ni David kasama ang kumpanya ng mga Lucero na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso.

Samantala, nagpatong-patong na rin ang mga problema ni David matapos magbago ang isip ng kabit niyang si Lexy (Sue Ramirez) at gusto na nitong ipalaglag ang baby nila. Nauubos na kasi ang pasensya ni Lexy dahil ilang beses nang nangako si David na hihiwalayan na nito si Jill at ipagtatapat na nila sa lahat ang kanilang relasyon pero hindi pa niya ito ginagawa. 

Bukod sa iWantTFC at Viu, nasusubaybayan ang “The Broken Marriage Vow” mula Lunes hanggang Biyernes, 8:40 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “The Broken Marriage Vow.”

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.