News Releases

English | Tagalog

Charlie, nawalan na ba ng pag-asa sa "Viral Scandal?"

February 24, 2022 AT 02:08 PM

Bumigay na si Rica (Charlie Dizon) at tila sumuko na sa kanyang laban para sa hustisya matapos bumaligtad at pumanig ang technician sa mga kalabang Ramones "Viral Scandal."

 

 Hindi na rin magsasampa ng appeal si Rica dahil alam niyang wala na itong patutunguhan dahil pumanig sa mga kasinungalinan nina Jigs (Markus Patterson) at Archie (Vance Larena) ang korte.  

 

Para kay Rica, tama ng itigil na ito dahil naapektuhan na ang pagsasama nina Kakay (Dimples Romana)  at Dan (Miko Raval) pati ang buhay ng kapatid na sina Bea (Karina Bautista) at Nico (Louis Abuel). Gusto na niyan umusad sa buhay para sa ikatatahimik ng kanilang buhay at mas pagtuunan ng pansin ang kanyang trabaho.

 

Ngunit mukhang hindi titigil si Kakay na makamit ang hustisya lalo pa at tingin niyang makakatulong si Ella (Aya Fernandez) sa kanila nang makita niya ito sa labas ng courtroom.  Ngayong alam na rin ni Ella ang nangyari kay Rica, mananahimik na lang ba siya o tutulong kina Rica na ipakulong sina Jigs at Archie?

 

Samantala, dapat abangan ng manonood ang "Viral Family Karaoke Nights" na parte sa 100 araw na fundraising drive ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation para sa mga nasalanta ng bagyong Odette simula ngayong Peb. 28 (Lunes) hanggang Marso 2 (Miyerkules). Sa loob ng tatlong gabi, samahan ang "Viral Scandal" cast na sasabak sa karaoke challenge para makapagbigay saya at hikayatin ang mga fans na magdonate para sa house repair kits ng mga kababayan natin sa Visayas at Mindanao. 

 

Ang “Viral Scandal” ay nasa ilalim ng direksyon nina Dado C. Lumibao at Froy Allan Leonardo at produksyon ng RCD Narratives. 

 

Subaybayan ang mga kapanapanabik na eksena sa “Viral Scandal” gabi-gabi ng 9:20 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, iWantTFC, WeTV iflix. Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.