News Releases

English | Tagalog

“Bahaghari” ng Kiss N Tell ay kwento ng mga nahanap na ang soulmate nila

March 14, 2022 AT 12:10 PM

Tuloy-tuloy sa paggawa ng mga bagong kanta ang OPM band na Kiss N Tell.  Naglabas ang banda ng bago nilang single na pinamagatang “Bahaghari” na isang pagdiriwang ng pag-ibig.
 
Isang indie/alt pop-rock na kanta ang “Bahaghari” na inilalarawan ang pagiging espesyal ng mga taong nahanap na ang soulmate nila. Ideya ito ng rhythm guitarist ng Kiss N Tell na si Joshua Ortiz, na inaming bata pa siya ay curious na siya sa mga bahaghari.
 
Aniya, “Curious ako kung ano ba’ng makikita sa magkabilang dulo ng bahaghari. So naisip ko na i-connect ko siya sa song at tanungin kung posible bang matagpuan ‘yung karugtong mo kung siya ay nasa kabilang dulo."
 
Unang isinulat ni Joshua ang “Bahaghari” kasama ang lead guitarist ng banda na si Aniceto Cabahug III sa isang impromptu songwriting challenge kasama ang mga kapwa nila songwriter. Katulong naman sa pagbuo sa kanta ang mga ka-banda nilang sina Lennix Purificacion (lead vocals), Arjumar Arbotante (bass guitar), Ronnel Navarro (keys), at Ernie Bañares (drums).
 
Nauna nang inilabas ng Kiss N Tell ngayong 2022 ang mga single nilang “Lundag” tungkol sa pagiging ‘rebound’ at “Exsena” na naglalarawan sa mag-ex na nagkita uli.
 
Bago maging DNA Music artist, naging finalist ang banda sa 11th HIMIG songwriting competition ng ABS-CBN noong 2020.
 
Ma-inspire na hanapin ang iyong soulmate at pakinggan ang “Bahaghari” ng Kiss N Tell sa iba’t ibang digital music platforms simula ngayong Biyernes (March 11). Para sa iba pang detalye, sundan ang DNA Music sa Facebook (www.facebook.com/dnamusicph), Twitter at Instagram (@dnamusicph).

PHOTOS

DOWNLOAD ALL 3 PHOTOS FROM THIS ARTICLE