News Releases

English | Tagalog

Ford Valencia binuhay ang "PBB" hit song na "Magmahal Muli"

March 29, 2022 AT 10:44 AM

Pangarap maging housemate sa bahay ni Kuya…

Bagong bersyon ng nostalgic “Pinoy Big Brother” song na “Magmahal Muli” ang handog ng miyembro ng BoybandPH na si Ford Valencia mula sa Star Pop label ng ABS-CBN.

 
Ani Ford, karangalan para sa kanya na makagawa ng sarili niyang bersyon ng kanta lalo na at ilang beses din siyang nag-audition sa “PBB” para maging housemate sa bahay ni Kuya.
 
“Isang malaking karangalan para sa akin ang bigyang bagong buhay ang isa sa mga pinakapaborito nating kanta sa ‘PBB’ na ‘Magmahal Muli.’ Dati rati'y kinakanta ko lang ito sa mga videoke, sa mga jamming sessions namin ng aking mga tropa... Ngayon ay single ko na,” kwento niya.
 
Komposisyon ng dating “PBB” season 1 housemate na si Sam Milby ang kanta na ni-rekord niya bilang duet kasama ang kapwa housemate na si Say Alonzo noong 2005. Tungkol ito sa sakit ng nawalang pag-ibig at nagpapaalala sa mga tagapakinig na hindi kailangang maghanap ng kapalit dahil darating din ito sa tamang panahon.
 
Ipinrodyus ni Star Pop head Rox Santos ang bersyon ni Ford na inareglo ni Tommy Katigbak at minix at master ni Tim Recla. Sinundan nito ang unang solo single ng hunk balladeer na “Paalam Na” na inilabas noong Nobyembre 2021.
 
‘Wag matakot sumubok ulit sa pag-ibig kapag dumating ang tamang tao at pakinggan ang “Magmahal Muli” ni Ford sa Star Music YouTube channel at sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa iba pang detalye, sundan ang Star Pop sa Facebook (www.facebook.com/starpopph) at sa Twitter at Instagram (@starpopph).