News Releases

English | Tagalog

LoiNie, pamatay ang kilig sa "Love in 40 Days"

May 21, 2022 AT 11:11 AM

Ronnie falls in love with Loisa's ghost in "Love in 40 Days"

How will Jane and Edward be able to love each other if Jane is a ghost? Will Jane be able to find out the real reason behind her death?

Panoorin simula Mayo 30 sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC

Mapapaibig si Ronnie Alonte sa multo ni Loisa Andalio sa pinakabagong teleseryeng puno ng kilig na “Love in 40 Days” na mapapanood simula Mayo 28 sa iWantTFC at Mayo 30 naman sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, at TV5. 

Ibinahagi ng real life couple sa special screening at mediacon noong Biyernes (Mayo 20), na naging challenging ang kanilang pagganap sa serye, na kauna-unahang teleseryeng pagbibidahan nila.

“Nakakataba ng puso pero kinakabahan pa rin. May pressure pa rin. Medyo nahirapan lang ako kasi ‘yung role ko dito, hindi talaga siya bida eh, may pagka-kontrabida rin siya,” sabi ni Loisa.

“Naging mahirap talaga sa amin kasi sa totoong buhay, kami talaga. So ‘yung acting namin na kailangan hindi kami, na hindi maramdaman ng tao na kami talaga, mahirap. Hindi kami nagpansinan sa set para mas maganda ‘yung atake namin,” dagdag ni Ronnie.

Gagampanan ni Loisa si Jane, isang ambisyosang insurance agent na walang ibang inatupag kung ‘di kumita ng pera simula noong tumayo siyang pangawalang magulang ng kapatid niyang si Monmon (Josh De Guzman).

Sa kabila ng kanyang mga tagumpay sa trabaho, isang trahedya ang sasapit kay Jane nang mamatay siya sa isang aksidente. Magiging multo si Jane at mapupunta siya sa Evergreen Mansion - isang lugar kung saan ginagabayan ang mga multo bago sila tuluyang tumawid sa kabilang buhay. 

Dito magku-krus ang landas nina Jane at Edward (Ronnie), isang mayamang bandista na mula sa pamilyang nagmamay-ari ng pinakasikat na funeral homes sa bansa. Dahil sa third eye ni Edward, nakikita at nakakausap niya si Jane na parang normal na tao at wala siyang kamalay-malay na multo pala ito. 

Habang unti-unti nang tinatanggap ni Jane ang kanyang pagkamatay, si Edward ang magiging balakid sa mga plano niya. Determinado kasi si Edward na ipasara ang Evergreen Mansion para magpatayo ng sarili niyang resto-bar at tuluyan nang kumalas sa mga istrikto niyang magulang na sina Robert at Andrea (Bart Guingona at Mylene Dizon).

Subalit, gagawin ni Jane ang lahat upang kumbinsihin si Edward na huwag ipasara ang mansyon. Dahil dito, mas magiging malapit sina Jane at Edward at tuluyan na silang mapapa-ibig sa isa’t isa. Ngunit biglang matutuklasan ni Edward na multo pala si Jane. 

Mauuwi pa ba sa totoong pagmamahalan sina Jane at Edward? Malalaman pa kaya ni Jane ang dahilan ng kanyang pagkamatay?

Ang “Love in 40 Days” ay mula sa direksyon nina Manny Palo at Jojo Saguin. Pinagbibidahan din ito nina William Lorenzo, Leo Martinez, Lotlot de Leon, Zabel Lamberth, Janice de Belen, Ana Abad Santos, Ahron Villena, Maria Isabel Lopez, Renshi De Guzman, Trina Legaspi, Raven Molina, Chie Filomeno, Benedix Ramos, Vaughn Piczon, Kobie Brown, at Andi Abaya. 

Subaybayan ang “Love in 40 Days” simula Mayo 28 sa iWantTFC app at website, at sa Mayo 30 naman ng 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “Love in 40 Days.”

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.