News Releases

English | Tagalog

Pagsasama ng Top 2 ng bawat "PBB Kumunity" edition, magsisimula na sa Mayo 15

May 04, 2022 AT 03:42 PM

Nagpaulan si Kuya ng maraming pasabog noong Linggo (Mayo 1) kabilang na ang kanyang anunsyo na sa Mayo 15 na ang simula ng inaabangang paglalaban ng Top 2 ng Celebrity, Adult, at Teen edition ng “PBB Kumunity Season 10.” 

Sa paglabas nina Eslam El Gohari at Luke Alford sa ginawang double eviction noong weekend, hudyat na para sa natitirang teen housemates na sina Dustine Mayores, Gabb Skribikin, Maxine Trinidad, Paolo Alcantara, Rob Blackburn, Stephanie Jordan, at Tiff Ronato na harapin ang malalaking desisyon na makakaapekto sa kanilang pananatili sa bahay ni Kuya. Lima sa kanila ang mapapabilang sa Final 5 na magtutuos para sa Top 2, habang dalawa ang mapapauwi sa huling dalawang linggo ng “PBB Kumunity” Teen Edition. 

Nagulat din ang outside world sa balita ni Kuya na papalitan ni Samantha Bernardo si Alyssa Valdez bilang celebrity Top 2 dahil ang national volleyball team player na si Alyssa ang isa sa mga kinatawan ng bansa para sa nalalapit na Southeast Asian (SEA) Games. Maaari kasing magsabay ang SEA Games sa pagpasok ng top 2 housemates sa bawat edition sa “PBB Kumunity.” 



Paliwanag ni Alyssa, “Dito po sa labas ng inyong bahay mayroon pong mga commitment na kailangan din po akong gampanan para po sa ating bansa. Magpe-prepare naman po ang national team para po sa nalalapit na SEA Games. Sa Vietnam po ito gaganapin and hindi ko rin po masasabi sa kung kalian matatapos kaya naman po hindi ko po magagampanan at hindi po ako makakabalik sa loob ng inyong bahay.” 

Para naman kay Samantha na naging emosyonal sa anunsyo, malaking karangalan daw na siya ang papalit kay Alyssa na kanyang naging malapit na kaibigan. Matatandaang si Samantha ang nakasungkit ng third place sa Celebrity Edition. 

Ani ng “Bread-Queener ng Palawan,” “Knowing me, hindi ako sumusuko sa anumang pagsubok ng hamon ng buhay. I am not a quitter, I will always say na ok lang sa akin na matalo ako as long as I fight until the end. Tinatanggap ko po ‘yun at isang malaking karangalan na ako ang kapalit ni sizzy (Alyssa) at laban natin ‘to sissy.” 

Inanunsyo rin ni Kuya na hindi lang anim kundi sampu ang magbabalik na housemates na maglalaban para sa titulong Big Winner. Pero malalaman lang kung paano mapipili ang apat na housemates sa takdang panahon. 

Ano pa kaya ang mga pasabog ni Kuya? Abangan sa huling dalawang linggo ng “PBB Kumunity Season 10” Teen Edition. Sundan ang official “PBB” social media accounts na @PBBabscbn sa Twitter at @PBBabscbntv sa Facebook at Instagram sa at manood ng “Kumulitan” sa @pbbabscbn sa Kumu ng 5:45 pm at “Kumunity G sa Gabi” ng 9 pm kasama ang ex-housemates na sina Jordan Andrews at Seham Daghlas.

Tutok lang din sa “PBB Kumunity Season 10” Teen Edition sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z, iWantTFC, at TFC tuwing 5:45 pm mula Lunes hanggang Biyernes at ang replay nito tuwing 11:10 pm ng gabi. Eere naman ito tuwing 7 pm kada Sabado at Linggo. Abangan din ang dailly Kumulitan sa app.kumu.ph/pbbhouse

Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.